Karapatang maging kinatawan sa pagmamana
- BULGAR

- Sep 23, 2020
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 23, 2020
Dear Chief Acosta,
May katanungan ako tungkol sa manang gustong matanggap ng apo ng aking kuya. May limang taon na kasi ang nakalilipas nang pumanaw ang kuya ko. Mayroon siyang dalawang anak. Ngunit dahil sa malubhang problema ng pamilya nila ay nagpasya siyang tanggalan ng mana ang panganay niyang anak. Itong panganay niyang anak ay nagkaroon naman ng anak nitong taon lamang. Nalaman namin kamakailan lamang na nais pa rin ng pamangkin ko na makakuha pa rin ng bahagi ng mana para diumano sa kaniang anak dahil ito ay apo ng aking kuya. May binabanggit silang batas na nagbibigay diumano ng legal na kakayahan sa apo na tumayo bilang kinatawan na tagapag-mana para sa anak na tinanggalan ng mana. Nais naming malaman kung totoo ba na maaari pang magmana ang apo ng kuya ko kahit na tinanggalan niya ng mana ang tatay nito. – Flaviano
Dear Flaviano,
Upang masagot ang iyong katanungan, kinakailangan natin tingnan ang sinasabi ng batas patungkol sa konsepto ng pagiging kinatawan sa manahan. Ayon sa Civil Code of the Philippines:
“Article 970. Representation is a right created by fiction of law, by virtue of which the representative is raised to the place and the degree of the person represented, and acquires the rights which the latter would have if he were living or if he could have inherited.”Ang ibig sabihin ng probisyon ng batas na ito ay ang right of representation o karapatang maging kinatawan sa pagmamana ay nalilikha ng batas sa pag-angat sa katayuan ng kinatawan upang maging kapantay na may kasamang parehong karapatan na magmana ng taong kinakatawan. Kaugnay nito, nasa batas din na ang apo ng namayapa ay maaaring maangat bilang tagapagmanang kinatawan ng anak ng namayapa dahil ang nasabing apo ay bahagi ng direktang kadugo ng namayapa. (Art. 972) Kung titingnan ang batas na ito, lumalabas na ang apo ng iyong kapatid ay maaaring maging kinatawan ng anak na tinanggalan ng mana. Sa kabila nito, mahalagang malaman na hindi ito absolute o ganap dahil itinatakda rin ng batas sa pagmamana na upang magkaroon ng karapatan na maging kinatawan sa pagmamana ay kinakailangan na ang magiging kinatawan ay kuwalipikado at may kakayahan na magmana sa namayapa. (Art. 973) Sa bahaging ito mahalaga na makita ang isa pang probisyon ng batas na nagsasabing:
“Article 1025. In order to be capacitated to inherit, the heir, devisee or legatee must be living at the moment the succession opens, except in case of representation, when it is proper.
A child already conceived at the time of the death of the decedent is capable of succeeding provided it be born later under the conditions prescribed in article 41. (n)Ibig sabihin, kinakailangang buhay na o kung hindi man ay ipinagdadalang tao na ang kinatawan ng pagmamana sa oras na pumanaw ang magpapamana dahil ang pagpapamana ay nagbubukas sa oras nang pagpanaw ng nagpapamana. (Art. 777). Ang probisyong ito ay kinakailangang tingnan kasama ng unang nabanggit na probisyon ng batas na nagsasabing kailangan na ang kinatawan sa pagmamana ay kuwalipikado at may kakayanag magmana sa oras ng manahan.
Para sa sitwasyon ng iyong kapatid, lumalabas na hindi kuwalipikado ang kanyang apo na maging kinatawan ng kanyang anak sa pagmamana dahil hindi pa ito isinisilang noong oras ng kanyang pagpanaw na siya namang batayan, ayon sa batas, sa kakayahan ng kinatawan na magmana. Makikita na hindi sapat ang pagiging apo ng kinatawan upang magkaroon ng karapatan na magmana. Kinakailangang may kakayahan at kuwalipikado ang kinatawan sa oras ng pagbubukas ng karapatang magmana. Dahil dito, hindi maaring tumayo bilang kinatawan sa pagmamana ang apo ng iyong kapatid para sa kanyang ama at hindi makukuha ng apo ang mana na dapat ay para sa anak ng namayapa.
Sana ay nabigyan kaliwanagan namin ang iyong katanungan. Tandaan na ang aming payo ay batay lamang sa iyong mga isinalaysay at ang aming pag-unawa rito. Anumang pagbabago sa mga detalyeng ibinigay ay maaaring magbago rin sa aming payong legal.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments