Karapatang ipagpalagay na walang sala
- BULGAR
- Mar 14, 2021
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 14, 2021
Ang ating nanay, inay, mommy, o mama ang tinaguriang “Ilaw ng Tahanan.” Ngunit, paano kung siya ay bigla maakusahan sa krimen? Bilang Punong Manananggol Pambayan o Chief Public Attorney ng Public Attorney’s Office (PAO), marami na tayong naingkuwentrong istorya, at kaso na kinasasangkutan ng ina. Sa loob ng maraming taong pagseserbisyo, ating masasabi na marami talagang pagkakataon na ang kaso ay nakaugat lamang sa maling akusasyon.
Sapagkat ang buwan ng Marso ay tinuturing na Buwan ng Kababaihan, napapanahon ding silipin at talakayin ang isa sa pinakamahahalagang karapatan na nakasaad sa ating Saligang-Batas, ang “Karapatang Ipagpalagay na Walang Sala.” Ito ay sa kadahilanan na sadyang nakatulong na maglantad at magbigay-linaw ang karapatang ito sa mga kasong nagmula lamang sa mali at hindi makatotohanang akusasyon na iginigiit nila sa ina.
Para sa inyong kaalaman, nakasaad sa Article III o Bill of Rights, Section 14 (2) ng ating Saligang-Batas ang sugnay tungkol sa karapatan ng mga akusado na maipagpalagay na inosente hanggang sa mapatunayan ang kasalungat, viz:
“Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas, Artikulo III, Katipunan ng Mga Karapatan
SEK. 14
(1) Hindi dapat papanagutin sa pagkakasalang kriminal ang sinumang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas.
(2) Sa lahat ng mga pag-uusig kriminal, ang nasasakdal ay dapat ituring na walang sala hangga’t hindi napatutunayan ang naiiba, at dapat magtamasa ng karapatang magmatuwid sa pamamagitan ng sarili at ng abogado, xxx”. (Binigyang-diin)
Alinsunod sa nabanggit, malinaw na sa bawat criminal prosecution, ang matatag na panuntunan ay dinidikta na, sa bawat pag-uusig, ang nagdadala ng pasanin upang maitaguyod ang pagkakasala ng akusado nang higit pa sa makatuwirang pag-aalinlangan ay ang prosekyusyon. Dapat umasa sa lakas ng sarili nitong ebidensiya, at hindi dapat maiangkla ang tagumpay ng prosekyusyon sa kahinaan ng ebidensiya ng akusado. Kaya naman, nabanggit ng Korte Suprema sa kasong People vs. Arapok (G.R. No. 134974. December 8, 2000), isinulat ni Honorable former Associate Justice Minerva P. Gonzaga-Reyes, na sa kabilang banda, tungkol sa kaniyang pagiging inosente, ang akusado ay walang pasaning katibayan:
“All these must be proved by the State beyond reasonable doubt on the strength of its evidence and without solace from the weakness of the defense. Thus, even if the defense of the accused may be weak, the same is inconsequential if, in the first place, the prosecution failed to discharge the onus on his identity and culpability. The presumption of innocence dictates that it is for the people to demonstrate guilt and not for the accused to establish innocence.” (Binigyang-diin)
Sa katunayan, kahit pa man lumabas na tabla lamang at pantay ang ebidensiya ng prosekyusyon at depensa na maaaring magbigay ng dalawang (2) kahulugan kung saan ang isa (1) ay para sa conviction, at ang isa naman ay para sa pagiging inosente ng akusado, dahil sa nabanggit na karapatan, maituring na walang-sala, ayon sa Kataas-Taasang Hukuman, ang akusado. Sa ganitong sitwasyon, ang ebidensiya ay hindi nagampanan ang pagsubok ng moral na katiyakan, at hindi sapat upang suportahan ang conviction:
“To be sure, if the inculpatory facts and circumstances are capable of two or more explanations, one of which is consistent with the innocence of the accused of the crime charged and the other consistent with their guilt, then the evidence does not fulfill the test of moral certainty and is not sufficient to support a conviction. This, from the beginning, has been the lodestar of our accusatorial system of criminal justice” (People v. Berroya, G.R. No. 122487. December 12, 1997, Honorable former Associate Justice Flerida Ruth Pineda-Romero).
Dahil sa nasabing karapatan na nakasaad sa ating Saligang-Batas, maraming akusado, kasama na ang mga ina na tuluyang napahiwalay sa kanilang minamahal, ang muling nakabalik at nakapagbigay-liwanag sa kani-kanilang pamilya. Bagama’t mahalagang mapanagot ang taong nagkasala sa mata ng batas, mas mahusay na palayain ang taong nagkasala kaysa sa hindi makatarungang pagkulong sa bilangguan ng taong ang pagkakasala ay hindi napatunayan nang kinakailangang kalidad at dami ng ebidensiya.




Comments