Karapatang bumoto nang maayos at kung ano ang dapat at tama
- BULGAR
- Jun 4, 2023
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Karapatan | June 4, 2023
Ang pagpili sa mga magiging kinatawan sa Kongreso at sa lokal na pamahalaan ay nakasalalay sa mga kamay at tamang desisyon nating mga mamamayan. Kaya marapat nating gampanan ang ating mga tungkulin at karapatan na bumoto nang maayos at ayon sa kung ano ang dapat at tama. Sa pagpili ng mga mamumuno at maglilingkod sa atin, dapat nating isipin ang mga totoong maglilingkod sa bayan at totoong mangangalaga sa ating mga kapakanan.
Ang karapatan na maghalal ay nakasaad sa ating Saligang Batas, partikular sa Artikulo V, kung saan nakasaad na:
“Sek. 1. Ang karapatan sa halal ay maaaring gampanan ng lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas na hindi inalisan ng karapatan ng batas, na labingwalong taong gulang man lamang, at nakapanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon man lamang, at anim na buwan man lamang sa lugar na kanilang bobotohan kagyat bago maghalalan. Walang dapat ipataw na literasi, ari-arian o iba pang substantibong kinakailangan sa pagganap ng karapatan sa halal.
Sek. 2. Dapat magtakda ang Kongreso ng isang sistema para masiguro ang pagiging sekreto at sagrado ng balota at gayon din ng isang sistema para sa pagbotong liban ng mga kwalipikadong Pilipino na nasa ibang bansa.
Para sa mga taong may kapansanan at mga ilitireyt, ang Kongreso ay dapat bumalangkas ng isang pamamaraan na hindi na kakailanganin ang tulong ng mga ibang tao. Hanggang sa sumapit ang panahong iyon, sila ay pahihintulutang bumoto sa ilalim ng umiiral na mga batas at ng mga tuntuning maaaring ihayag ng Komisyon sa Halalan upang maprotektahan ang pagiging sekreto ng balota.”
Nakasaad sa mga nabanggit na probisyon, maliban sa mga inalisan ng karapatan ng batas, ang mga mamamayan na may edad 18 pataas ay mayroong karapatan na maghalal ng gusto nilang kandidato upang magsilbi sa kanila at sa bayan. Para makalahok sa halalan ng isang lugar, dapat ay rehistrado ang nasabing botante sa lugar na kanyang pagbobotohan. Siya ay dapat na nanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon man lamang bago ang halalan at 6 na buwan man lamang sa lugar kung saan siya boboto. Maliban sa mga nabanggit, walang ibang kwalipikasyon, na kinakailangan para makalahok sa halalan.
Para sa mga Pilipino na naging mamamayan (citizens) ng ibang bansa subalit nanumpa ulit ng kanilang katapatan (allegiance) sa Republika ng Pilipinas, maaari pa rin silang bumoto sa ilalim ng Section 5 ng Republic Act (R.A.) No. 9225 (Citizenship Retention and Re-acquisition Act of 2003), kung saan nakasaad na:
“Sec. 5. Civil and Political Rights and Liabilities. - Those who retain or re-acquire Philippine citizenship under this Act shall enjoy full civil and political rights and be subject to all attendant liabilities and responsibilities under existing laws of the Philippines and the following conditions:
Those intending to exercise their right of suffrage must meet the requirements under Section 1, Article V of the Constitution, Republic Act No. 9189, otherwise known as "The Overseas Absentee Voting Act of 2003" and other existing laws;”
Kinakailangan lamang na ang mga nasabing Pilipino ay makapanumpa ng kanilang katapatan sa Republika ng Pilipinas ayon sa probisyon ng Section 3 ng R.A. No. 9225, kung saan nakasaad na:
“Section 3. Retention of Philippine Citizenship - Any provision of law to the contrary notwithstanding, natural-born citizens by reason of their naturalization as citizens of a foreign country are hereby deemed to have re-acquired Philippine citizenship upon taking the following oath of allegiance to the Republic:”
Matapos ng kanilang panunumpa ng katapatan sa ilalim ng R.A. No. 9225, ang mga nasabing mamamayan ay tataguriang mga “dual citizens” at sila ay magkakaroon muli ng karapatang bumoto. Ang karapatang ito ay kinilala ng Korte Suprema sa kasong Loida Nicolas-Lewis, et al. versus COMELEC, G.R. NO. 162759, August 4, 2006, Ponente: The Late Honorable Associate Justice Cancio C. Garcia, kung saan ang mga “dual citizens” na nagpetisyon na makaboto sa ilalim ng Overseas Absentee Voting Act kahit na hindi nanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang (1) taon bago ang halalan ay pinayagan na makaboto. Sinabi ng Korte Suprema sa nasabing kaso na:
“WHEREFORE, the instant petition is GRANTED. Accordingly, the Court rules and so holds that those who retain or re-acquire Philippine citizenship under Republic Act No. 9225, the Citizenship Retention and ReAcquisition Act of 2003, may exercise the right to vote under the system of absentee voting in Republic Act No. 9189, the Overseas Absentee Voting Act of 2003.”





Comments