Karapatan sa kopya ng sariling medical record
- BULGAR

- Jun 9
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 9, 2025

Dear Chief Acosta,
Na-admit ako sa isang pribadong ospital sa loob ng tatlong araw. Paglabas ko roon ay inaasahan kong makatatanggap ako ng kopya ng aking medical abstract, ngunit wala akong natanggap. Nang magtanong ako tungkol dito, sinabi nila sa akin na kailangan kong magpasa ng request at kinakailangan ding aprubahan ito ng doktor ko. Kailangan pa bang magpasa ng sinasabing request para sa sarili kong medical record? Hindi ba dapat awtomatikong ibigay nila ito sa isang pasyente? — Mark
Dear Mark,
Ang mga medical record, tulad ng medical abstract, ay itinuturing bilang isang sensitibong personal na impormasyon alinsunod sa Seksyon 3(l)(2) ng Republic Act (R.A.) No. 10173 o ang Data Privacy Act of 2012. Isinasaad din sa parehong batas na ang pagpoproseso, kasama ang pagbubunyag sa mga ito, ay may mga karampatang mahigpit na kondisyon na kailangang sundin. Dahil dito, maaari lamang itong maproseso batay sa mga pinahihintulutan ng batas at dapat ay may pagsang-ayon ang pasyente. Ang nasabing pagproseso ng impormasyon ay dapat na limitado sa partikular na layunin kung kaya ibinigay ang naturang pahintulot. Dagdag dito, ang Seksyon 16(C) ng parehong batas ay nagsasaad na ang isang data subject, kabilang ang isang pasyente sa kaso ng mga medical record, ay may karapatang makita ito:
“(c) Reasonable access to, upon demand, the following:
Contents of his or her personal information that were processed;
Sources from which personal information were obtained;
Names and addresses of recipients of the personal information;
Manner by which such data were processed;
Reasons for the disclosure of the personal information to recipients;
Information on automated processes where the data will or likely to be made as the sole basis for any decision significantly affecting or will affect the data subject;
Date when his or her personal information concerning the data subject were last accessed and modified; and
The designation, or name or identity and address of the personal information controller;”
Bagama’t ang isang pasyente ay maaaring makita ang kanyang sariling mga medical record, hindi ito nangangahulugan na siya ay awtomatikong bibigyan ng kopya nito. Tulad ng nakasaad sa itaas, kapag hinihiling ng pasyente o ng kanyang awtorisadong kinatawan, ay maaari niya itong ma-access.
Kaugnay nito sa Hospital Health Information Management Manual 4th Edition na inilabas ng Kagawaran ng Kalusugan ay nakasaad na:
“5. Release of Health Information
All information in the health record shall be treated as confidential and safeguarded against loss, destruction and unauthorized use.
Only authorized persons shall be given access to health records with personal and sensitive personal information.
Patients may not be allowed to access their health records to prevent misinterpretation of medical information, which may lead to complaint/litigation.
Release of information with clinical value shall be done with the consent of the physician in charge to prevent misinterpretation. x x x
The health record is the physical property of the health facility. However, patients have the right to the record since its content concerns their clinical information. As such, the release of information with clinical value shall be done only upon explicit, written consent/waiver from the patient.”
Batay sa nabanggit, ang mga pasilidad ng kalusugan katulad ng ospital ay may mga privacy protocol o mga pamamaraan na sinusunod sa bawat pagkakataon na ang medical record ay ipoproseso. Ang pag-apruba ng iyong doktor bago ibigay ang iyong hinihinging kopya ng medical record ay kinakailangan upang maiwasan ang ano mang hindi tamang pagbasa o paggamit nito. Ang mga pamamaraang ito ay dapat sundin ng lahat, kabilang ang mismong pasyente, upang matiyak na ang mahigpit na kinakailangan para sa pagproseso ng sensitibong personal na impormasyon sang-ayon sa Data Privacy Law at iba pang nauugnay na mga alituntunin at regulasyon na nilalayong mapangalagaan ang pagiging kompidensiyal ng mga medical record ng bawat pasyente.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.







Comments