top of page

Karapatan sa ilalim ng “National Education Support Personnel Day Act”

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 17
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 17, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Isa sa mga patakaran ng Estado ay ang magsagawa ng mga hakbangin na kumikilala sa mahalagang papel ng Education Support Personnel sa pagsasakatuparan ng karapatan sa edukasyon, pagpapaunlad ng positibo at ligtas na mga kapaligiran sa paaralan, at pagtitiyak na epektibong gumagana ang pampubliko at pribadong institusyon sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon para sa lahat ng mga mag-aaral. Kaya naman, ipinasa ang Republic Act (R.A.) No. 12178, o ang National Education Support Personnel Day Act. 


Ang terminong “Education Support Personnel” ay tumutukoy sa mga taong nagtatrabaho sa mga posisyong may kaugnayan sa pagtuturo (teaching) o di-pagtuturo (non-teaching) sa anumang pampubliko o pribadong paaralan sa kolehiyo, unibersidad, o iba pang institusyong pang-edukasyon, kabilang, ngunit hindi limitado sa mga katulong sa pagtuturo, registrar, librarian, doktor, nars, tagapayo sa dibisyon ng paaralan, tagapayo sa paaralan, kasamahan ng tagapayo sa paaralan, mga tagapayo sa teknikal, at mga kawani ng nagbibigay ng suporta sa mga mag-aaral at guro. 


Bilang pagkilala sa pagdiriwang ng World Education Support Personnel Day, ang ika-16 na araw ng Mayo ng bawat taon ay idineklara sa ilalim ng batas na ito bilang isang special working holiday na tatawaging “National Education Support Personnel Day”.  


Ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ay magsisilbing mga namumunong ahensya sa paghahanda at pagpapatupad ng taunang programa ng mga aktibidad para sa pagdiriwang ng National Education Support Personnel Day. Upang matiyak ang makabuluhang pagdiriwang ng araw na ito, hinihikayat ang mga pinuno ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan at mga korporasyong pag-aari at/o kontrolado ng pamahalaan na may kaugnayan sa edukasyon, mga local government units, at mga employer sa pribadong sektor na may kaugnayan sa edukasyon na payagan ang kani-kanilang tauhan na makilahok sa anumang kaugnay na aktibidad na gaganapin sa loob ng kanilang mga opisina o establisimyento. 


Ang halagang kailangan para ipatupad ang batas na ito ay dapat isama sa taunang General Appropriations Act.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page