top of page

Karapatan sa alternatibong edukasyon ng mga nasa rural area

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 7, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Abril 7, 2024



Kinikilala ng estado ang karapatan ng bawat mamamayang Pilipino, nasa siyudad man o nasa mga nayon. 


Isa sa mga karapatan ng mga Pinoy ay ang karapatang mabigyan ng kasanayan sa paaralan at edukasyon, anuman ang antas at estado nila sa buhay. Isa sa mga paraan ng pamahalaan upang makapagbigay ng alternatibong edukasyon para sa mga mamamayang nasa mga kanayunan o rural areas ay ang pagtatag ng mga Rural Farm Schools sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 10618 o “Rural Farm Schools Act”.   


Ang alternatibong paraan ng pagbibigay ng edukasyon para sa mga mamamayan sa kanayunan ay isang paraan upang mabigyan ng kasanayan ang mga mamamayan na nasa malayong lugar.  Ang kasanayang ito ay magagamit nila upang iangat ang kanilang estado sa buhay. Maaari silang pumasok sa mga Rural Farm Schools, kung saan ang kurikulum ng Department of Education (DepEd) para sa mga high school ang siyang susundin. 


Bukod dito ay mayroong dagdag na kurso na nakatuon sa Agri-Fishery Arts. Ang huling dalawang taon ng academic year sa isang rural farm school ay nakatuon sa integrative learning sa lahat ng asignatura sa kurikulum at may diin sa farm entrepreneurship. 


Ang mga kabataan ay makatatanggap ng pagsasanay sa modernong teknolohiya ng poultry, livestock, fishery at agriculture. Matuturuan ang mga estudyante rito na gamitin ang kanilang natutunan upang malaman nila kung papaano palaguin ang kanilang sakahan (farm).


Sinumang mamamayang taga-nayon na nakapagtapos ng elementarya sa anumang edad ay kuwalipikadong magpatala sa mga rural farm schools para sa kanilang sekondaryang edukasyon.  Kung marami ang bilang ng aplikante at hindi kayang kunin lahat ng farm school ang mga aplikante, ang mga kaanak ng mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ay mabibigyan ng prayoridad.  


Libre ang matrikula at ng iba pang school fees sa mga public rural farm schools, maliban sa mga kabayarang papayagan ng DepEd. Ang mga private rural farm schools ay maaaring magtalaga ng maliit na halaga ng matrikula na aaprubahan ng DepEd. 


Ang bawat rural farm school ay mayroong tutors at school head. Ang school head ang mamamahala at titingin sa operasyon ng rural farm school. Pasisiguruhan ng school head na ang programa ay maisasakatuparan at mayroong sapat na educational resources na magagamit ng mga estudyante. Ang tutors naman ay mga dalubhasa sa kanilang mga larangan. Sila ang gaganap bilang mga guro, guidance counselors, rural developers, livelihood project proponents, marketing specialist o project consultants. Ang school head at tutors ay makatatanggap ng buwanang suweldo sa ilalim ng Salary Standardization Law.


Katulong ng school head at ng mga tutors ang DepEd, Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Agricultural Training Institute (ATI) para sa patuloy na pagbibigay ng trainings, iba pang pagsasanay, at mga kagamitan, katulad ng mga libro, student workbooks, teaching session guides at iba pang materyales.


Sinuman na magbibigay ng donasyon sa mga rural farm schools ay hindi magbabayad ng donor’s tax at ang ibinahaging donasyon sa mga rural farm schools ay maaaring ibawas sa gross income nito para sa pagkuwenta ng income tax ng nagbahagi ng donasyon.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page