top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Karapatan ng pamilyang Pilipino

BULGAR
Jul 11, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 11, 2021


Nakasaad sa Article XV ng 1987 Philippine Constitution ang mga sumusunod na probisyon:


“Section 1. The State recognizes the Filipino family as the foundation of the nation. Accordingly, it shall strengthen its solidarity and actively promote its total development.

Section 2. Marriage, as an inviolable social institution, is the foundation of the family and shall be protected by the State.”


Malinaw sa ating Saligang-Batas na kinikilala ng estado ang pamilyang Pilipino bilang pundasyon ng institusyon at ng bansa. Bilang pagkilala ay kinakailangang papanatagin ng estado ang kaisahan at pag-unlad nito. Nang dahil dito, itinuturing ng estado ang pag-aasawa bilang panlipunang institusyon na hindi dapat malabag at kinakailangang mapangalagaan.


Kaya naman sa ating Family Code, nakapaloob ang mga sumusunod na probisyon:


“Marriage is a special contract of permanent union between a man and a woman entered into in accordance with law for the establishment of conjugal and family life. It is the foundation of the family and an inviolable social institution whose nature, consequences, and incidents are governed by law and not subject to stipulation, except that marriage settlements may fix the property relations during the marriage within the limits provided by this Code.”


Kung ating susuriin ang mga nabanggit na probisyon, makikita nating na ang pagpapakasal ay kinikilala bilang institusyon kung saan ang lahat ng insidente at bagay na may kinalaman dito ay marapat na base sa kung ano ang sinasabi ng batas. Ang pag-aasawa ay hindi maaaring maging paksa ng kasunduan maliban kung ang usapin ng kasunduan ay patungkol sa marriage settlement kung saan inaayos ng mag-asawa sa kanilang relasyon na may kinalaman sa kanilang ari-arian (Article 1, Executive Order No. 209).


Nararapat din igalang ng estado ang karapatan ng mag-asawa na magtatag ng pamilya sang-ayon sa kanilang pananalig sa relihiyon at sa kung ano ang mga kinakailangan ng responsableng pagtataguyod ng pamilya.


Pinangangalagaan din ng pamahalaan ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng kalinga, kasama ang wastong pag-aalaga at nutrisyon at natatanging proteksiyon sa lahat ng anyo ng pagpapabaya, pang-aabuso, pagmamalupit, pagsasamantala at iba pang kondisyong nakapipinsala sa kanilang pag-unlad.


Maraming pangangailangan ng pamilyang Pilipino kaya pinangangalagaan ng estado ang karapatan ng bawat miyembro nito na mabigyan ng sapat na sahod at kita para sa ikabubuhay ng pamilya.


May karapatan din ang bawat pamilyang Pilipino na lumahok sa mga asosasyon na nagtataguyod ng patakaran at programang nakaaapekto sa kapakanan ng pamilyang Pilipino.


Sa paglipas ng panahon ay maraming programa ang itinatag ng pamahalaan upang mapangalagaan ang pamilyang Pilipino, tulad na lamang ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang 4Ps ay hakbang ng pamahalaan para sa pagpapabuti ng kalagayang pantao ng ating mga kababayan. Nagbibigay ito ng conditional na tulong-pinansiyal para sa pinakamahihirap na Pilipino upang pagbutihin ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18. Kailangang matupad ng pamilya ang mga kondisyon ng pamahalaan upang maibigay sa kanila ang tulong-pinansiyal. Halaw ito sa programang Conditional Cash Transfer (CCT) ng mga bansa sa Latin Amerika at Aprika, na naialpas sa kahirapan ang milyun-milyong tao sa buong mundo (www.official gazette.gov.ph).


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page