Karapatan ng mga nangingisda
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 15, 2021
Ang Pilipinas ay napaliligiran ng iba’t ibang uri ng anyong tubig at ang pangingisda ay isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan lalung-lalo na ng mga taong naninirahan sa tabing-dagat. Napakalawak ng mga dagat at karagatan para magpagkunan ng iba’t ibang uri ng lamang dagat at kung ito ay mapangangalagaan nang mabuti ay mananatiling pangunahing mapagkukunan ng kabuhayan ng mga kababayan nating mangingisda. Bagama’t ang pangingisda ay hindi nangangailangan ng malaking puhunan, ito ay mapanganib na hanapbuhay dahilan na rin sa ito ay ginagawa kadalasan sa dagat at sa karagatan.
Sa mga mangingisdang hindi nagtatrabaho sa mga fishing vessels, sila ay nangingisda lamang sa kayang abutin ng kanilang bangka sa mga karatig-pook. Sa mga nasa fishing vessels, sila ay umaabot sa karagatan upang mangisda at tuwing biyahe nila ay nalalagay sila sa kapahamakan bunsod na rin sa mga panganib ng dagat at karagatan. Katulad sa mga magsasaka, walang batas na tuwirang nagsasaad ng mga karapatan ng mga mangingisda. Subalit may mga batas na ipinasa ang Kongreso upang mapangalagaan ang mga lamang dagat. Ang pangangalaga ng mga lamang dagat ay pangangalaga rin sa mga kapakanan ng mga mangingisda. Ang paggamit ng dinamita o anumang uri ng pampasabog, nakalalasong kemikal o kuryente sa pangingisda ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas. Ito ay para pangalagaan ang mga lamang dagat at kasiraan ng bahay ng mga isda at kamatayan ng mga maliliit pang isda o iba pang lamang dagat.
Ang pagbabawal ay isang uri ng pangangalaga ng estado sa mga mangingisda. Sapagkat ang pagkasira ng mga lamang dagat at pagkaubos ng mga ito ay nangangahulugan ng pagkawala ng mga mahuhuling isda at lamang dagat at magdudulot ng kahirapan sa mga kababayan nating mangingisda.
Ang eksklusibong paggamit ng mga fishery at aquatic resources ay ipinauubaya rin sa mga Pilipino upang maprotektahan ang kapakanan ng mga maliliit na mga mangingisda na ang pangunahing pinagkukunan ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan ay ang kanilang mga nahuling isda na kanilang ikinakalakal upang matugunan ang iba pa nilang mga pangangailangan. Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 8550 (An Act Providing for the Development, Management and Conservation of the Fisheries and Aquatic Resources, Integrating All Laws Pertinent Thereto, And For Other Purposes), ipinagkaloob sa mga mangingisda at fisherfolks ang prayoridad sa paggamit sa mga tubig ng munisipyo (municipal waters).





Comments