top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Karapatan ng mga babaeng night workers

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 10, 2021
  • 4 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 10, 2021



Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na marami sa ating mga kababayan sa sektor ng paggawa ang nagtatrabaho sa gabi sapagkat ito ay kinakailangan sa industriya kung saan sila naglilingkod.


Ang mga manggagawang ito ay tinagurian na mga “night workers”. Maituturing na “night worker” ang manggagawa kung ang kanyang pagtatrabaho ay sa gabi o karamihan sa oras ng kanyang pagtatrabaho ay sa gabi ginagawa.


Nang dahil sa mayroong pagbabawal noon ang ating Labor Code (P.D. 442) para sa kababaihan na magtrabaho sa gabi, gumawa ang ating Kongreso ng batas upang amyendahan ang nasabing pagbabawal nang sa gayun ang ating kababaihan ay makapasok sa mga kumpanya na ang karamihan sa trabaho rito ay sa gabi. Ang batas na ito ay ang Republic Act No. 10151. Ang batas na bumago sa probisyon ng Artikulo 130 at 131 ng Labor Code at pinayagan ang pagtatrabaho sa gabi ng mga manggagawa, partikular na ang kababaihang manggagawa. Sa nasabing batas ay isinaaad kung ano ang mga dapat na masunod sa pag-empleyo ng mga manggagawa sa gabi.


Ang probisyon ng batas na ito ay sumasakop sa lahat ng mga manggagawa na magtatatrabaho sa gabi maliban doon sa mga manggagawa na nasa sektor ng agrikultura, stock raising, pangingisda, maritime transport at inland navigation.


Sa ganitong mga uri ng empleyado, sila ay may karapatang hilingin sa kanilang employers na sila ay isailalim sa libreng Health Assessment at mabigyan ng payo kung papaano mabawasan o maiwasan ang anumang problema sa kalusugan na may kinalaman sa kanilang trabaho, (1) Bago nila kunin ang kanilang trabaho bilang “night workers”; (2) Sa regular na pagitan ng kanilang pagtatrabaho; at (3) Kung nakakaramdam sila ng problema sa kanilang kalusugan na sanhi ng kanilang trabaho sa gabi.


Maliban sa findings na “unfitness for night work” ang anumang natuklasang karamdaman dahil sa assessment na ito ay hindi maaaring maipasa sa iba na walang pahintulot ng empleyadong sumailalim sa nasabing assessment.


Ang lahat ng manggagawa sa gabi ay dapat na may magamit na first aid. Kinakailangan din na may pasilidad kung saan maaaring dalhin ang mga nasabing empleyado upang sila ay eksaminin o gamutin. Ang mga may-ari ng kompanyang pinagtatrabahuhan ng “night workers” ay dapat na siguraduhing ligtas at maayos ang mga kondisyon sa pagtatrabaho ng mga nasabing empleyado sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pasilidad, tulad ng pahingahan o tulugan at transportasyon mula sa lugar ng kanilang pinagtatrabahuhan hanggang sa lugar na malapit sa kanilang tahanan na ayon sa mga regulasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE).


Ang mga “night workers” na mayroong maipakitang sertipikasyon na hindi sila maaaring magtrabaho sa gabi dahil sa kondisyon ng kanilang kalusugan ay maaaring ilipat sa trabahong akma at kahalintulad ng kanilang kasalukuyang trabaho. Kung ang paglipat ay hindi posible, ang mga nasabing manggagawa ay dapat mabigyan ng katulad na benepisyo na natatanggap ng mga manggagawang hindi makapagtrabaho ng panahon na iyon.


Ang manggagawang nabigyan ng sertipikasyon na pansamantalang hindi kuwalipikadong magtrabaho sa gabi ay kinakailangang bigyan ng katulad na proteksiyon laban sa pagpapaalis o pagtanggal sa kanila sa trabaho katulad ng sa mga manggagawang hindi pinahihintulutang magtrabaho dahil sa kalagayan ng kanilang kalusugan.


Para sa mga babaeng manggagawa na pinapayagang magtrabaho sa gabi, sila ay may (1) karapatang magkaroon ng alternatibo sa pagpasok sa gabi bago at pagkatapos manganak, sa loob ng 16 na linggo na maaaring hatiin bago at pagkatapos niyang makapanganak; (2) Maaaring manghingi ang babaeng manggagawang kakapanganak lamang ng karagdagang panahon na magkaroon ng alternatibo sa panggabing trabaho sa pamamagitan ng pagprisinta ng sertipikasyong medikal na nagsasabing ito ay kinakailangan para sa kalusugan ng ina o ng kanyang anak: (a) sa panahon ng pagbubuntis ng ina; (b) sa panahon pagkatapos ng orihinal na labing-anim (16) na linggong hinati sa pagitan, bago at pagkatapos makapanganak ang babaeng manggagawa; ang haba ng panahong idadagdag sa orihinal na 16 na linggo na ibibigay sa nasabing manggagawa ay siyang pagpapasyahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) pagkatapos nitong konsultahin ang iba’t ibang samahang manggagawa at employers.


Ang babaeng manggagawa ay hindi maaaring tanggalin sa trabaho maliban sa mga kadahilanang nakasulat sa Labor Code of the Philippines na walang kaugnayan sa pagbubuntis, panganganak at sa responsibilidad sa pangangalaga sa mga anak.


Ang babaeng manggagawa ay hindi maaaring mawalan ng mga benepisyo na may kinalaman sa kanyang estado, ranggo at opurtunidad na mapabilang sa promosyon sa trabaho.


Ang babaeng manggagawang buntis at nagpapasuso sa kanyang anak ay maaari lamang magtrabaho sa gabi kung, maliban sa doktor ng kumpanya, may kuwalipikadong doktor, ang magpapatunay na may kakayahan itong magtrabaho sa gabi. Kinakailangan din ang eksaminasyon ng doktor sa manggagawang babae na buntis para ito ay makapagtrabaho pa rin sa gabi na walang magiging masamang epekto sa batang kanyang dinadala.


Ang ilang mga hakbang na maaaring ipatupad ng kumpanya ay ang paglipat sa mga manggagawang babae sa pang-umagang pasok kung posible, ang pagbigay ng mga benepisyo mula sa Social Security System (SSS) at ang ekstensiyon ng maternity leave.


Ang kompensasyon tulad ng sahod at mga benepisyo na natatanggap ng mga manggagawang nagtatrabaho sa gabi ay kinakailangang isaalang-alang ang katangi-tanging kalikasan ng trabaho sa gabi.


Bukod sa mga nabanggit na, direktiba rin ng nabanggit na batas na ang mga pangunahing serbisyong panlipunan (Social Services) ay kailangang ibigay sa mga “night workers”. Upang masigurado na magiging ligtas ang mga manggagawa, ang kumpanyang magpapapasok ng mga manggagawa sa gabi ay kinakailangang ikonsulta muna ito sa mga empleyado, samahan ng mga manggagawa at sa iba pa nilang departamento.


Anumang paglabag sa probisyon ng batas ay pinarurusahan ng pagbabayad ng multa na hindi bababa sa P30,000 at hindi hihigit sa P50,000 o pagkabilanggo ng hindi bababa sa anim (6) na buwan o parehas, sa diskresiyon ng hukuman. Kapag ang paglabag ay nagawa ng corporation, trust, firm, partnership o association, ang kaparusahan ay ipapataw sa opisyal ng nasabing corporation, trust, firm, partnership o association.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page