Karapatan Ng Mamamayan Na Maging Pribado Ang Pamumuhay
- BULGAR
- Jul 25, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 25, 2021
Sa ating Saligang Batas, isa sa mga Katipunan ng Karapatan ay ang karapatang mabigyan ng kalayaan sa paninirahan at sa pagbabago ng tirahan. Ito ay nakasaad sa Section 6, Article III, ng nasabing batas, tulad ng sumusunod:
“SEKSYON 6. Hindi dapat bawalan ang kalayaan sa paninirahan at ang pagbabago ng tirahan sa saklaw ng mga katakdaang itinatadhana ng batas maliban sa legal na utos ng hukuman. Ni hindi dapat bawalan ang karapatan sa paglalakbay maliban kung para sa kapakanan ng kapanatagan ng bansa, kaligtasang pambayan, o kalusugang pambayan ayon sa maaaring itadhana ng batas.”
Kung ating babalangkasin ang nabanggit na karapatan kasama sa kalayaang mamili ng lugar kung saan mananahan o titira ay ang karapatang malayang makapaglakbay. Ang mga karapatang ito ay maaari lamang limitahan kung legal na ipag-uutos ng hukuman, para sa kapanatagan ng bansa, kaligtasan ng bayan o ng kaligtasan ng kalusugan. Ang bahay ay maituturing na pribadong aspeto sa buhay ng tao. Siya ay mayroong karapatang mamili ng tirahan at kung saan mananahan at ito ay kikilalanin sapagkat hindi maaaring mawala sa tao ang kanyang pagiging pribado anumang uri ng antas ng kanyang pamumuhay.
Sa kaso ng Ople versus Torres (G.R. No. 127685, July 23, 1998), na isinulat ni Honorable former Associate Justice Ricardo Puno, sinabi ng Korte Suprema na ang karapatan na mabigyan ng kalayaan sa paninirahan at sa pagbabago ng tirahan ay isang uri ng pagkilala ng Saligang Batas sa pagiging pribado ng mamamayan. May batas din tayong isinulong para bigyang-proteksiyon ang nasabing karapatan. Sa nasabing kaso sinabi ng Korte Suprema ang mga sumusunod:
“Zones of privacy are likewise recognized and protected in our laws. The Civil Code provides that “[e]very person shall respect the dignity, personality, privacy and peace of mind of his neighbors and other persons” and punishes as actionable torts several acts by a person of meddling and prying into the privacy of another. It also holds a public officer or employee or any private individual liable for damages for any violation of the rights and liberties of another person, and recognizes the privacy of letters and other private communications. The Revised Penal Code makes a crime the violation of secrets by an officer, the revelation of trade and industrial secrets, and trespass to dwelling. Invasion of privacy is an offense in special laws like the Anti-Wiretapping Law, the Secrecy of Bank Deposit Act and the Intellectual Property Code. The Rules of Court on privileged communication likewise recognize the privacy of certain information.”
Sa nabanggit na desisyon ng Korte Suprema, ating makikita na ang lahat ng uri ng paglabag sa karapatan ng mamamayan para maging pribado ang kanyang pamumuhay at kabahayan ay maaaring maging dahilan upang magsampa ng kaukulang kaso ang nasabing mamamayan laban sa lumabag nito.




Comments