top of page

Karapatan ng 'di lehitimong anak na gamitin ang apelyido ng ama

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 21, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 21, 2024


Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dalawang bagay ang dahilan kung bakit ang isang babae at lalaki ay nagsasama bilang mag-asawa pero hindi nagpapakasal. 


Una, bagama’t walang legal na balakid ay hindi sila nagpapakasal sapagkat ito ang pinili nilang sitwasyon. Pangalawa, kahit naisin nilang magpakasal ay hindi nila magawa sapagkat may mga legal na balakid para sila ay makapagpakasal. 


Sa unang sitwasyon, nagsasama lamang bilang common law husband and wife ang babae at lalaki at sa anumang kadahilanan ay pinipili nilang magsama nang walang kasal. Sa pangalawang sitwasyon, hindi talaga maaaring magpakasal ang nasabing couple dahil ang isa sa kanila o silang dalawa ay may pinakasalan na bago pa man sila magsama. Sa dalawang sitwasyon na ito ay magkaiba ang epekto ng isang sumunod na kasal (subsequent marriage) sa mga anak na ipinanganak sa loob ng nasabing pagsasama nang walang kasal. 


Sa sitwasyon kung saan ang isang lalaki at babae ay nagsama sa iisang bubong at nagkaroon ng anak sa labas ng isang balidong kasal subalit walang balakid na sila ay makapagpakasal noong araw na lumabas ang kanilang anak, ang nasabing anak ay itinuturing na hindi lehitimo. Subalit kapag ang common law husband and wife ay nagpakasal pagkatapos na naipanganak na ang bata, ang nasabing bata ay maaaring maging isang lehitimong anak ng nasabing mag-asawa sa bisa ng isang affidavit of legitimation. Ang partikular na probisyon ng Family Code ukol dito ay ang mga sumusunod: 


“Art. 177. Only children conceived and born outside of wedlock of parents who, at the time of the conception of the former, were not disqualified by any impediment to marry each other may be legitimated. 


Art. 178. Legitimation shall take place by a subsequent valid marriage between parents. The annulment of a voidable marriage shall not affect the legitimation.


Art. 179. Legitimated children shall enjoy the same rights as legitimate children. 


Art. 180. The effects of legitimation shall retroact to the time of the child's birth.” 


Sang-ayon sa mga nabanggit na probisyon, ang pagpapakasal ng mga magulang ng isang batang ipinagbuntis at ipinanganak sa mga panahong hindi pa kasal ang mga magulang, bagama’t walang legal na balakid para sila ay magpakasal, ay maaaring magbigay sa bata ng karapatang maging isang lehitimong anak. Ang paggamit ng bata ng apelyido ng ama ay dahilan sa ang nasabing bata ay naging lehitimo nang magpakasal ang kanyang mga magulang. Samakatuwid, ang karapatan ng nasabing bata ay naitaas sa antas ng isang lehitimong anak nang nagpakasal ang kanyang mga magulang matapos ang kanyang kapanganakan.


Maliban sa unang nabanggit, hindi maaaring maging lehitimo ang batang ipinagbuntis at ipinanganak sa labas ng isang balidong kasal. Subalit sa bisa ng Republic Act No. 9255, kung saan pinapayagan ang mga hindi lehitimong anak na gamitin ang apelyido ng kanilang ama, ang apelyido ng mga batang hindi lehitimo ay maaari nang isunod sa apelyido ng kanilang ama kapag pinahintulutan ng huli ang paggamit nito sa pamamagitan ng kanyang pagpirma sa kanilang birth certificate o ng pagsasagawa ng isang kasulatan (pribado o publiko) na kinikilala niya ang kanyang relasyon sa nasabing bata. Bagama’t hindi naging lehitimo ang anak sa gayong sitwasyon, magagamit pa rin nito ang apelyido ng kanyang ama sa bisa ng batas at sa pahintulot ng kanyang ama. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page