top of page

Adbiyento, hinihintay ang parating na pag-asa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 7, 2025
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 7, 2025



Fr. Robert Reyes


Nagkataong Nobyembre 30, Bonifacio Day, ang unang Linggo ng Adbiyento noong nakaraan lamang. Ikalawang Linggo na ng Adbiyento ngayon. Napakabilis ng panahon, tatlong linggo na lang at Pasko na uli. 


Matatapos na rin ang pagtakda ni Papa Francisco sa taong 2025 bilang Hubileo ng Pag-asa (Jubilee of Hope). 


Kasalukuyang itinatayo sa aming simbahan ang Kampanaryo ng Pag-asa. Napakagandang pangalan para sa kampanaryo na laging tutunog at magpapadala, at magpapangalat ng mensahe ng pag-asa maski na tapos na ang Hubileo ng Pag-asa.


Kailangang-kailangan marinig, madama at makita ng marami ang pag-asa sa bansang nilamon na ng bulok na pulitika. At maririnig, madarama at makikita ng lahat ang sigaw, sayaw at tindi ng pagmamahal ng mga kabataan para sa ating Inang Bayan.


Nakatutuwa at nakatataba ng puso ng maraming nanlulumo at unti-unting nawawalan na ng pag-asa sa bansang pinagsamantalahan at pinagtaksilan ng mga namumuno.

“Ikulong na ‘yan mga kurakot… Ikulong na ‘yan mga kurakot,” paulit-ulit na sigaw ng mga kabataan ngayon. Hindi ba’t para na rin tunog ng kakaibang kampana?


Ang tinig ng mga mulat, galit at handang kumilos na mga kabataan ang makabagong kampana ng pag-asa. Hindi lahat ng mga sumisigaw na kabataan ay kasapi ng mga progresibong organisasyon. Kasapi man o hindi ng mga progresibong organisasyon, itinutulak ng kasalukuyang kalagayan ng ating bansa ang mga kabataan para mamulat at kumilos, maging progresibo para sa kanilang mahal na bansa.


Sampu ng korupsiyon ng maraming opisyal ng pamahalaan, matinding dagok din ang nararanasan ng mga kabataan mula sa kalikasan. Sa totoo lang, isa ring maingay na kampana ang mga bagyo, baha, lindol at pag-usok, pagsabog ng mga bulkan. Naririnig, nakikita at nararamdaman ang mga ito ng lahat lalo na ng mga kabataan.


Nag-aalala ang mga kabataan na kung magpapatuloy ang korupsiyon at kawalan ng parusa sa mga korup baka tuluyan nang mawala ang anumang maganda at makabuluhang pag-asa na kanilang pinapangarap. Kaya’t ito na sila, sumisigaw at buong tinding nanginginig para ipadinig, ipakita at ipadama ang buhay na pag-asa na nag-uumapaw sa kanilang kalooban.


Hindi ba’t ganito ang adbiyento? Ipinadarama ng simbahan ngayong adbiyento, sa pamamagitan ng mga liturhiya, paggagayak ng mga simbahan ang matinding pananabik sa pagdating ng Prinsipe ng Kapayapaan at Pag-asa! At sa isang buhay na buhay na paraan, hindi mga palamuti o dekorasyon o debosyon ang mga kabataan kundi buhay na tanda ng pag-asa na galing sa Panginoon ng buhay mismo.


Ganito rin ang makikitang ayos ng Belen sa aming Parokya. Dahil sa nabuwal na higanteng puno ng balete sa kapitbahay. Naisip nating gamitin ang mga kahoy, troso ng nabuwal na puno bilang gayak ng Belen. Kakaibang Belen, “Belen ng Kasawian at Kaligtasan, Belen ng Pag-asa!” 


Sa gitna ng mga malalaking troso, sanga, pira-pirasong bakal, gula-gulanit na yero, mga batong sari-saring laki nakatayo ang hamak na barong-barong sa halip ng sabsaban. Dito matatagpuan si Jesus, Maria at Jose sa ligtas na lilim ng isang barong-barong. Katatayo pa lamang ito mula sa dingding, bubong, bintana at pintuan na pinagpira-piraso ng bagyo. May tubig na marahang dumadaloy (mula sa di-kuryenteng water-pump) sa paligid ng barong-barong. 


Marahan, hindi rumaragasa, ligtas at hindi na nakamamatay ang tubig dahil tapos na ang bagyo. Ganito ang kalikasan kapag nagagalit. Ang mga karaniwang sangkap na kaagapay araw-araw ay maaaring maging kaaway. Salamat sa abuso at kapabayaan ng tao, tubig at hangin ay tila lumalaban, nagtatanggol sa kanilang sarili at naghihiganti na rin sa taong walang pakundangan at walang pakialam.


Ngunit naroroon ang banal na pamilya nina Jose, Maria at sanggol na Hesus. Hindi sila pamilyang masiba at marangya. Simple, maka-tao, maka-kalikasan, maka-Diyos. Tapat na Hudyo sila. Nagmamahal sa bayan at sumusunod sa mga kalakaran. Kapwa madasalin at masunurin sa Diyos. Puno ng pag-asa at nagbibigay ng pag-asa.


Mula sa guho at kawalan dulot ng makasalanang bayan, larawan sila ng kalinisan, katapatan at marangal na pamumuhay. Sila ang pamilyang hinahanap at hinihintay. 


Marahang sagot sa mga dinastiyang tila salot. Maningning na tala sa madilim na kapaligirang winasak ng mga korup. Adbiyento ng matinding paghihintay sa banal na pamilya at sa batang banal. Nawa’y maaabot naming lahat ang Pasko ng maluwalhating pag-asa at matamis na kapayapaan. Amen.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page