top of page

Karapatan ng babaeng ikinasal sa lalaking kasal na sa iba

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 2, 2023
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 2, 2023


Marami sa ating mga kababaihan ang madalas na biktima ng lalaking nagpapanggap na binata subalit ito pala ay kasal na. Kaya naman, ang taong biktima ng ganitong pangyayari ay mayroong karapatan laban sa mapanloko niyang kabiyak.


Ang kasal ng isang tao na mayroon nang naunang kasal ay itinuturing ng batas na walang bisa. Ang probisyon ng batas na ito ay matatagpuan sa Article 35 ng Family Code kung saan nakasaad ang mga sumusunod:


Article 35. The following marriages shall be void from the beginning:

  1. Those contracted by any party below eighteen years of age with the consent of parents or guardians;

  2. Those solemnized by any person not legally authorized to perform marriages unless such marriages were contracted with either or both parties believing in good faith that the solemnizing officer had the legal authority to do so;

  3. Those solemnized without a license, except those covered by the preceding Chapter;

  4. Those bigamous or polygamous marriages not falling under Article 41;

  5. Those contracted through mistake of one contracting party as to the identity of the other;

  6. Those subsequent marriages that are void under Article 53.”


Ang kasal ng isang tao sa isang dati nang ikinasal ay nabibilang sa ikaapat na bahagi.


Walang bisa ang kasal na ito dahil itinuturing itong isang bigamous marriage. Sa ganitong pagkakataon, ang biktima ay maaaring maghain ng Petition for Declaration of Nullity of Marriage sa Regional Trial Court na gumaganap bilang Family Court sa lugar kung saan naganap ang nasabing pangalawang kasal o kung saan nakatira ang taong maghahain ng nasabing petisyon sa loob ng 6 na buwan o mahigit pa. Kakailanganin lamang ang isang abogado upang gumawa ng nasabing petisyon. Nangangahulugan na sa petisyon na ito ay hihilingin ng biktima na ideklara ng hukuman na walang bisa ang kanyang kasal sapagkat ito ay bigamous.


Maaari rin siyang maghain ng kasong kriminal laban sa kanyang asawa sa ilalim ng Article 349 ng Revised Penal Code kung saan nakasaad na:


“Art. 349. Bigamy. - The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second marriage or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”


Ayon sa batas, ang kasal ay isang espesyal na kontrata para sa pagtatag ng pamilya kung kaya naman maliban sa paraan kung papaano nila pangangasiwaan ang kanilang mga ari-arian na maaaring pagkasunduan sa isang marriage settlement, ang lahat ng iba pang insidenteng may kinalaman sa kanilang kasal ay hindi maaaring mapagkasunduan ng mag-asawa. Bagkus, ito ay pinapangasiwaan ng batas.


Pinarurusahan ng batas ang sinuman na magpakasal muli habang ang kanyang unang kasal ay hindi pa nadedeklarang walang bisa ng husgado. Ang isang tao ay maaari lamang magpakasal muli kapag mayroon nang deklarasyon ang hukuman na ang kanyang kasal ay wala nang bisa o pinawalan ng bisa ayon sa batas. Kung malalabag ito, maaaring ihain ang reklamo sa Office of the City o Provincial Prosecutor sa lugar kung saan naganap ang pangalawang kasal.


Bukod sa paghahain ng mga nabanggit na aksyon, maaari ring maghain ang babaeng biktima ng kanyang petisyon upang mabigyan ng suportang pinansyal ang kanyang mga anak na naging bunga ng hindi balidong kasal, bagama’t itinuturing na hindi lehitimong anak ang mga ito. Ito ay ayon sa batas na nagtatakda na kapag ang pangalawang kasal na kinokonsiderang hindi balido dahil sa nauna nang kasal, ang mga supling ay itinatalagang mga hindi lehitimong mga anak sa kadahilanang walang balidong kasal na nangyari sa pagitan ng kanilang mga magulang. Subalit ang nasabing mga supling ay mayroong karapatan laban sa kanilang ama na humingi ng sapat na suporta para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Mayroon din silang karapatan mabigyan ng mana ayon sa probisyon ng batas na makikita sa Article 176 ng Family Code kung saan nakasaad na:


“Art. 176. Illegitimate children shall use the surname and shall be under the parental authority of their mother, and shall be entitled to support in conformity with this Code. The legitime of each illegitimate child shall consist of one-half of the legitime of a legitimate child.”


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page