Karapatan na maging lehitimo ng batang ipinanganak bago makasal ang mga magulang
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 22, 2022
Pinangangalagaan ng estado ang kapakanan ng mga bata na magkaroon ng lehitimong estado sa kanilang pamilya. Kaya naman binigyan ng estado ang mga bata ng proteksyon na maigawad sa kanila ang lehitimong estado bilang anak kung ang pagkakapanganak nila ay hindi sanhi ng ipinagbabawal ng batas na relasyon ng kanilang mga magulang.
Sa isang sitwasyon kung saan ang isang lalaki at babae ay nagsama sa iisang bubong at nagkaroon ng anak sa labas ng isang balidong kasal subalit walang balakid na sila ay makapagpakasal noong araw na lumabas ang kanilang anak, ang nasabing anak ay itinuturing na hindi lehitimo. Subalit kapag ang common law husband and wife ay nagpakasal pagkatapos na naipanganak na ang bata, ang nasabing bata ay maaaring maging isang lehitimong anak ng nasabing mag-asawa sa bisa ng isang Affidavit of Legitimation. Ang partikular na mga probisyon ng Family Code, kaugnay nito, ay ang mga sumusunod:
“Art. 177. Only children conceived and born outside of wedlock of parents who, at the time of the conception of the former, were not disqualified by any impediment to marry each other may be legitimated.
Art. 178. Legitimation shall take place by a subsequent valid marriage between parents. The annulment of a voidable marriage shall not affect the legitimation.
Art. 179. Legitimated children shall enjoy the same rights as legitimate children.
Art. 180. The effects of legitimation shall retroact to the time of the child's birth.”
Sang-ayon sa mga nabanggit na probisyon, ang sunod na pagpapakasal ng mga magulang ng isang batang ipinagbuntis at ipinanganak sa mga panahong hindi kasal ang mga magulang subalit walang legal na balakid para makapagkasal, ay maaaring magbigay sa bata ng karapatang maging isang lehitimong anak.
Matapos makapagpakasal ng kanyang mga magulang, maaari nang pumunta ang mga ito sa Local Civil Registrar kung saan nakarehistro ang kapanganakan ng kanilang anak para isagawa ang Affidavit of Legitimation upang maging lehitimo ang estado ng kanilang anak.





Comments