top of page

Karapatan at pribilehiyo ng senior citizens

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 22, 2024
  • 4 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Nov. 22, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Tayong mga Pilipino ay may katutubo at likas na paggalang, pagmamahal at pagpapahalaga sa mga nakakatanda sa atin, lalo na ang ating mga lolo at lola, ama at ina, tiyuhin at tiyahin at iba pang kamag-anak ganoon din sa iba pang nakakatandang kaibigan, kapitbahay o pangkaraniwang mamamayan.


Ito ay sa dahilang sila ang itinuturing na importanteng bahagi ng ating pamilya at haligi ng lipunan na may naging mahalagang kontribusyon sa pagpapaunlad ng ating bansa.


Bagama’t sa ilalim ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, ang pamilya ay may katungkulang kalingain ang mga matatandang miyembro nito, maaari rin itong gawin ng Estado sa pamamagitan ng mga makatarungang pamamaraan na magbibigay-daan sa kapanatagang panlipunan (Art. XV, Sec. 4). Bilang pagtalima sa probisyong ito, mayroon tayo ngayong mga batas na nagbibigay ng mga karapatan at naggagawad ng mga pribilehiyo sa ating senior citizens. Ang senior citizens ay mga Pilipino na naninirahan sa Pilipinas na may edad 60 pataas, kasama na ang mga Pilipinong may dual citizenship na naninirahan sa Pilipinas sa loob ng anim na buwan o higit pa.


Ang pangunahing batas para sa senior citizens ay ang Republic Act No. 7432 at ang mga amyenda rito tulad ng Republic Act Nos. 9257, 9994 at 11916. Bukod dito, nandiyan din ang “Centenarians Act of 2016 (Republic Act No. 10868) na inamyendahan ng “Expanded Centenarian Act of 2024 (Republic Act No. 11982), at Anti-Age Discrimination in Employment Act (Republic Act No. 10911). Ang tatlong huling batas na ito ay tatalakayin sa mga huling bahagi ng kolum na ito.


Ayon sa Expanded Senior Citizens Act, binibigyan ang lahat ng senior citizens ng 20% na diskuwento at ‘di pagbabayad ng value-added tax (VAT) para sa gamot ng isang senior, generic man o branded na may kaukulang reseta ng kanyang doktor, bakuna para sa trangkaso (influenza) at pneumococcal, mga bitamina at mineral supplements.


Gayundin ang 20% discount at wala ring VAT para sa salamin sa mata, hearing aid, pustiso, prostethics (artipisyal na paa, kamay, daliri at iba pa), artipisyal na pamalit sa buto katulad ng walker, saklay, wheelchair (manual o electric-powered man) at tungkod.


Sakop din ng 20% discount ang professional fees ng mga doktor at lisensyadong health care workers sa mga pribadong ospital at iba pang pasilidad pangmedikal, outpatient clinics at serbisyong ginagawa sa tahanan ng isang senior citizen.


May kaukulang 20% discount din sa pamasahe sa lahat ng uri ng sasakyan – eroplano, barko at mga sasakyang panlupa tulad ng jeep, taxi bus (airconditioned man o hindi), SUV, LRT, MRT at PNR, bayad sa mga sinehan, concerts, hotel, restaurant at mga katulad na establisimyento, ganoon din sa pagpapalibing sa isang namatay na senior citizen.


Sa kuryente at tubig naman, may 5% discount ang senior citizen kung ang metro ay nakarehistro sa pangalan niya at hindi lalampas sa 100 kilowatt hours ang buwanang konsumo ng kuryente o 30 metro kubiko naman sa tubig na konsumo sa isang buwan.


Sa pagbili ng mga pangunahing bilihin at pangangailangan tulad ng bigas, asin, asukal, karne – sariwa man o de lata, kape, gatas, mantika, langis panluto, sibuyas, bawang, gulay, prutas, sardinas at tuna at adult diapers, may kaukulang 5% na diskuwento sa bawat pagbili subalit hindi hihigit sa P1,300.00 ang total na nabili sa isang buwan.


Sakaling magbigay ang mga pamahalaang lokal (LGU) ng karagdagang benepisyo para sa senior citizens na naninirahan sa kanilang nasasakupan, ang kailangan lamang ipakita para patunayang sila ay senior citizen na doon nakatira ay ang titulo ng bahay at lupa na tinitirhan, kontrata sa paupahan ng bahay, kung nangungupahan lamang, at isang valid government-issued ID. Hindi kailangang maging rehistradong botante ang isang senior citizen para makatanggap ng benepisyong ipinagkakaloob ng LGU.


Sa mga senior citizen naman na nais ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral, maaari rin silang bigyan ng tulong pang-edukasyon para sa mga kursong bokasyunal o panandaliang kurso sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship, grant, tulong pinansyal, subsidy at iba pang mga insentibo tulad ng pambili ng libro, mga materyales sa pag-aaral, at uniporme basta pasado ang senior citizen sa mga kinakailangan sa pagpasok.


Upang mapagaan ang kanilang pang-araw-araw na buhay, sinabi rin ng DILG na kailangang siguruhin ng mga LGU na magtalaga ng express lanes para sa mga senior citizen sa mga pribado at pampublikong establisimyento, at kung wala nito, bibigyan sila ng prayoridad sa serbisyo.


Sa ilalim naman ng Centenarians Act of 2016, na inamyendahan ng “Expanded Centenarian Act of 2024, sinumang mamamayang Pilipino, nakatira man sa Pilipinas o sa ibayong dagat na aabot sa 100 taon ay makakatanggap ng P100,000 mula sa gobyerno, at isang sulat ng pagbati mula sa Pangulo ng Pilipinas.


Ang sinumang Pilipino na naninirahan sa Pilipinas o sa ibayong dagat na darating sa edad na 80, 85, 90 at 95 ay makakatanggap ng P10,000 mula sa gobyerno.


May mga senior citizen na malakas pa ang katawan at maliwanag pa ang isipan na gusto pang magtrabaho. Dahil dito, mayroon ngayong tinatawag na Anti-Age Discrimination Law. Sa ilalim ng batas na ito, ipinagbabawal ang pagtangging tanggapin ang isang kuwalipikadong aplikante sa trabaho dahilan lamang sa kanyang edad.


Ipinagbabawal din ang diskriminasyon sa sahod at banepisyo sa pagitan ng mga senior citizen at mga nakababata nilang katrabaho, pagkakait ng promosyon at oportunidad para sa pagsasanay dahilan sa edad, sapilitang pagtatanggal sa isang empleyado dahil sa edad o pagtatakda ng retirement age base sa edad ng isang empleyado.


Ang mga karapatan at pribilehiyo ng ating senior citizens sa ilalim ng mga batas na nabanggit ay pagkilala ng estado at ng gobyerno sa kanilang kontribusyon sa pagpapaunlad ng ating bansa, gaano mang kaliit iyon. Dapat asintaduhin ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno, ganoon din ang mga pribadong establisimyento, na hindi pahirapan at madaliang ibigay sa ating senior citizens ang kanilang mga pribilehiyo sa ilalim ng mga batas na nagsusulong ng kanilang karapatan at kapakanan.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page