Karapatan at obligasyong pampamilya ng OFW
- BULGAR
- Aug 24, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 24, 2021
Dear Chief Acosta,
Ang aking asawa ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Hiningan ko siya ng kontribusyon sa gastusin para sa pamamahala ng sambahayan, ngunit tumanggi siyang magbigay dahil sa ibang bansa diumano siya naninirahan at hindi sa aming pamamahay. May obligasyon pa ba siya sa nasabing gastusin kahit hindi siya nakatira sa Pilipinas? – Ruby
Dear Ruby,
Ang pamamahala sa sambahayan at gastusin kaugnay nito ay karapatan at tungkulin ng kapwa mag-asawa alinsunod sa Article 71 ng Family Code of the Philippines:
“Article 71. The management of the household shall be the right and the duty of both spouses. The expenses for such management shall be paid in accordance with the provisions of Article 70.” (Binigyang-diin)
Nakasaad naman sa Article 15 ng Republic Act No. 386, o mas kilala sa tawag na “The Civil Code of the Philippines,” na ang batas ng Pilipinas na may kaugnayan sa karapatan at obligasyon pampamilya ay sakop ang mga Pilipino kahit na sila ay naninirahan sa ibang bansa:
“Art. 15. Laws relating to family rights and duties, or to the status, condition and legal capacity of persons are binding upon citizens of the Philippines, even though living abroad.” (Binigyang-diin)
Batay sa nabanggit, ang batas ng Pilipinas na may kaugnayan sa karapatan at obligasyong pampamilya katulad ng pamamahala sa sambahayan at gastusin kaugnay nito ay sakop ang mga Pilipino kahit na sila ay naninirahan sa ibang bansa. Samakatwid, ang inyong asawa ay mayroon pa ring obligasyon sa gastusin para sa pamamahala ng sambahayan kahit na siya ay naninirahan sa ibang bansa at hindi sa inyong pamamahay.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments