top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Karapatan at obligasyon sa SIM Registration

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 7, 2024
3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 7, 2024


Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 11934 o mas kilala bilang Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act, kinilala ng Kongreso ang kahalagahan ng teknolohiya sa impormasyon at komunikasyon sa pag-unlad ng bansa. Kaya naman hinihikayat ang paglago at pag-unlad nito.  Subalit maliban sa kahalagahan ng modernong teknolohiya sa pag-unlad ng bansa, mahalaga ring malaman ng lahat na ang ilegal o malisyosong paggamit nito ay nagdudulot ng panganib sa buhay ng mga tao at kaayusan ng publiko, pinsala sa ari-arian, at nagbabanta sa seguridad ng mga bansa. 


Dahil dito, itinataguyod ng Estado ang pananagutan sa paggamit ng SIM sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ahensya na nagpapatupad ng batas ng mga kasangkapan para labanan ang mga krimen na may kinalaman sa paggamit nito at pagtatalaga ng isang plataporma upang hadlangan ang paggawa ng mga maling gawain. Sa ganitong dahilan, iniatas ng batas ang pagpaparehistro ng SIM para sa lahat ng mga elektronikong aparato na gumagamit nito.


Upang makontrol ang paggamit ng mga SIM, ang lahat ng subscribers o end users ay kailangang irehistro ang kanilang mga SIM sa mga public telecommunications entity (PTE) bilang paunang kinakailangan sa pag-activate nito, alinsunod sa mga alituntuning itinakda sa ilalim ng batas na ito. 


Nasa direktiba rin ng batas na nabanggit na ang lahat ng PTE ay dapat magkaroon ng kanilang sariling database na naglalaman ng impormasyong kinakailangan sa ilalim ng batas na ito. Ang database ay magsisilbing SIM register na gagamitin ng mga PTE upang iproseso, i-activate o i-deactivate ang isang SIM o subscription, at mahigpit na ipinagbabawal na gamitin ang nasabing database para sa anumang iba pang layunin, maliban kung itinakda sa ilalim ng batas. Ang matagumpay na pagsumite at pagtanggap ng kinakailangang registration form ay magsisilbing sertipikasyon ng pagpaparehistro ng end-user.


Sa pagtatala ng impormasyon, dapat tiyakin ng mga PTE na ang data ng mga end-users ay may seguridad at protektado sa lahat ng oras. Ang mga PTE ay dapat sumunod sa mga pamantayan ukol sa seguridad ng impormasyon na inihayag ng DICT na naaayon sa mga internasyonal na pamantayan sa cybersecurity, at mga kaugnay na batas, tuntunin at regulasyon. Anumang impormasyon na nakuha sa proseso ng pagpaparehistro ay itinuturing na confidential at hindi dapat ibunyag sa sinumang tao, maliban na lamang kung ang dahilan ay alinman sa mga sumusunod:


“(a) In compliance with any law obligating the PTE to disclose such information in accordance with the provisions of Republic Act No. 10173 or the Data Privacy Act of 2012;


(b) In compliance with a court order or legal process upon finding of probable cause;


(c) Upon the issuance of a subpoena by a competent authority pursuant to an investigation based on a sworn complaint that a specific mobile number was or is being used in the commission of a crime or that it was utilized as a means to commit a malicious, fraudulent or unlawful act, and that the complaint is unable to ascertain the identity of the perpetrator; or


(d) With the written consent of the subscriber: provided, that, the waiver of absolute confidentiality shall not be made as a condition for the approval of subscription agreements with the PTEs.”


Kung ang sinumang PTE, mga ahente, o empleyado nito ay magbubunyag ng impormasyon o data ng isang end-user nang labag sa batas, maaaring parusahan ng multa na hindi bababa sa P500,000.00 ngunit hindi hihigit sa P4,000,000.00. 


Samantala, ang sinumang magbibigay ng maling impormasyon o gumagamit ng isang gawa-gawang pagkakakilanlan o mapanlinlang na mga dokumento ng pagkakakilanlan upang magparehistro ng SIM ay maaaring maparusahan ng pagkakakulong na mula 6 na buwan hanggang dalawang taon, o multang hindi bababa sa P100,000.00 ngunit hindi hihigit sa P300,000.00.


Ang panggagaya sa isang rehistradong SIM o pagpapadala ng mapanlinlang o hindi tumpak na impormasyon tungkol sa pinagmulan ng tawag sa telepono o text message, na may layuning manlinlang, magdulot ng pinsala, o makakuha ng anumang bagay na may halaga, ay pinarurusahan ng pagkakakulong na hindi bababa sa anim na taon o multang P200,000.00, o pareho.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page