top of page

Karapatan at obligasyon ng magkasosyo sa negosyo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 31, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Noong panahon ng pandemya, marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa matagal na pagsasara ng mga establisimyento. Dahil dito, marami ang natutong magtatag ng mga pagkakakitaang makatutulong sa kanila upang maitawid ang kanilang pangangailangan. Hanggang sa ngayon, ang mga nasimulang pagkakakitaan ay patuloy pa ring napakikinabangan kahit na ang pandemya ay natapos na. Nananatiling masikap at masipag ang ating mga kababayan. Sa ganitong uri ng kaugalian kilala ang Pilipino — madiskarte sa buhay. 


Kung hindi naman kayang magtayo ng sariling pagkakakitaan, ang ilan ay nakikisalo sa mga may kakayahang magbigay ng puhunan para sa isang uri ng negosyo na kanilang pagsososyohan at pagsisikapang palaguin. 


Nakapaloob sa probisyon ng Republic Act (R.A.) No. 386 (New Civil Code of the Philippines) ang kahulugan ng partnership bilang:


“Art. 1767. By the contract of partnership two or more persons bind themselves to contribute money, property, or industry to a common fund, with the intention of dividing the profits among themselves.”


Sa ating wika, nabubuo ang partnership sa pamamagitan ng kontrata ng pakikipagsosyo, kung saan dalawa o higit pang mga tao ay nagbubuklod upang mag-ambag ng pera, ari-arian, o industriya sa isang karaniwang pondo at may layunin na hatiin ang mga kita sa kanilang mga sarili. 


Upang bigyan ng proteksyon ang bawat mamumuhunan, pera man ito o industriya, nakapaloob sa batas ang mga karapatan at obligasyon ng bawat isa. Partikular na nakapaloob ang mga sumusunod sa Artikulo 1767 hanggang 1867 ng New Civil Code of the Philippines:

 

  1. Karapatang makibahagi sa mga kinita ng negosyo na kanyang pinaglagakan ng kanyang pera, ari-arian, o industriya, ayon sa proporsyon ng kanyang ipinuhunan;

  2. Karapatang magkaroon ng personalidad na hiwalay at naiiba sa partnership. Dahil dito, ang isang partner ay hindi maaaring managot sa mga pananagutan ng partnership. Gayon din, ang partnership ay hindi maaaring panagutin sa mga personal na pananagutan ng mga partners;

  3. Karapatang lumahok sa pangangasiwa ng negosyo;

  4. Ang bawat partner ay may karapatang magkaroon ng kapantay na karapatan katulad ng sa kanyang mga kasosyo sa mga espisipikong gamit at pag-aari ng partnership na eksklusibong ginagamit para sa partnership. Subalit ang isang partner ay hindi maaaring ariin ang alinman sa mga pagmamay-ari ng partnership nang walang pagsang-ayon ang mga iba pang kasosyo sa nasabing partnership;  

  5. Karapatang obligahin ang kasosyo na ibigay ang kanyang ipinangakong kontribusyon sa partnership;

  6. Kapag ang puhunan ng partnership ay P3,000.00 o higit pa, karapatang hilingin na ang kontrata ng partnership ay manotaryohan at maitala sa Securities and Exchange Commission (SEC);

  7. Kapag may mga ari-ariang ipinuhunan, karapatang hilingin ang imbentaryo ng mga ito at ilakip ang nasabing imbentaryo sa kontrata ng partnership;

  8. Karapatang makuha ang tayang halaga ng mga bagay na iaambag sa negosyo;

  9. Karapatang itago ang libro ng partnership ayon sa napagkasunduan ng bawat kasosyo sa lugar kung saan ang transaksyon sa negosyo ay ginagawa;

  10. Karapatang inspeksyunin at kopyahin ang libro ng partnership sa resonableng oras;

  11. Kapag ang isang kasosyo ay kumita mula sa mga transaksyon patungkol sa partnership nang walang pahintulot ang iba pang mga kasosyo, ang ibang kasosyo ay may karapatang hingin sa nasabing kasosyo na magbigay-sulit para sa mga benepisyong kanyang nakuha;

  12. Karapatang alamin ang lahat ng mga impormasyon tungkol sa mga bagay na makaaapekto sa partnership;

  13. Karapatang humingi ng interes at bayad-pinsala mula sa kasosyo na nangakong mamumuhunan ng salapi, ari-arian, o industriya kapag hindi niya natupad ang nasabing pangako. Ang interes at bayad-pinsala ay bibilangin mula sa oras na dapat ginawa ang nasabing obligasyon;  

  14. Karapatang humingi ng interes at bayad-pinsala mula sa kasosyo na gumamit ng pera ng partnership. Ang interes at bayad-pinsala ay bibilangin mula sa araw na kinuha ng nasabing kasosyo ang pera ng partnership para sa kanyang kapakinabangan;

  15. Lahat ng mga namuhunan ay may karapatang hingin ang pormal na pagsusulit ng mga kapakanan at suliranin ng kanilang partnership kapag hinihingi ng pagkakataon;

  16. Karapatang buwagin ang partnership.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page