Karapatan at obligasyon ng kasambahay sa paggamit ng telepono ng kanyang employer
- BULGAR
- Jan 5, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 05, 2022
Dear Chief Acosta,
Iniwan ko ang aking pamilya sa Cebu para magtrabaho sa Maynila bilang kasambahay.
Natigil ang komunikasyon ko sa aking pamilya nang masira ang aking cellphone. Hindi ko pa rin kayang bayaran ang pagpapaayos sa aking cellphone kaya tinawagan ko ang aking pamilya gamit ang telepono ng aking amo nang wala ang kanyang pahintulot.
Nalaman ng aking amo kalaunan ang aking ginawa nang lumabas ang bill ng telepono at ibabawas diumano niya sa aking susuwelduhin ang gastos sa aking pagtawag.
Naaayon ba sa batas ang gagawin ng aking amo? – Ditse
Dear Ditse,
Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa Section 8 ng Republic Act (R.A.) No 10361 o mas kilala sa tawag na “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay,” kung saan nakasaad na:
“Section 8. Access to Outside Communication. – The employer shall grant the domestic worker access to outside communication during the free time: Provided, that in case of emergency, access to communication shall be granted even during work time.
Should the domestic worker make use of the employer’s telephone or other communication facilities, the costs shall be borne by the domestic worker, unless such changes are waived by the employer.”
(Binigyang-diin)
Malinaw na nakasaad sa ating batas na karapatan ninyong gamitin ang telepono o iba pang pasilidad ng komunikasyon ng inyong amo, ngunit ang kaakibat na gastos ay inyong sasagutin, maliban kung hindi pagbayarin ng inyong amo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments