Karahasan sa kalsada, dapat nang solusyunan
- BULGAR

- Apr 1, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 1, 2025

Sa isang lipunang sumusulong para sa kaayusan at disiplina, ang mga pangyayaring tulad ng road rage na nauuwi sa pamamaril ay hindi dapat binabalewala. Ang ganitong mga insidente ay hindi lamang simpleng away sa kalsada, ito ay malinaw na larawan ng nag-uumapaw na galit, kawalan ng pasensya at respeto sa buhay ng tao.
Isa itong problema na dapat seryosohin, dahil sa bawat dahas, may mga buhay na nalalagay sa panganib. Kailan pa tayo matututo? Kailangan bang may mas marami pang masaktan o mamatay bago tayo gumising sa katotohanang ang pagiging mainitin ang ulo ay hindi kailanman naging rason upang bumunot ng baril? Sa halip na hayaang lumaganap ang ganitong asal, kailangang pagtuunan ng pansin ang mga ugat ng problemang ito.
Nitong Marso 30 sa Antipolo, isang insidente ng road rage ang nauwi sa pamamaril, kung saan marami ang nasugatan habang isa ang nasa kritikal na kondisyon. Ang suspek ay inaresto sa Masinag, Barangay Mayamot. Ayon sa ulat, nagsimula ang insidente sa isang mainit na pagtatalo sa pagitan ng suspek at isang motorcycle rider.
Nauwi ito sa suntukan bago tuluyang bumunot ng baril ang suspek at paputukan ang kanyang mga nakabangga. May tatlong biktima ang dinala sa ospital, kabilang ang isang tinamaan sa ulo, isang nasugatan sa braso, at isang tinamaan sa dibdib na nagtangkang umawat, at isang babae rin ang nasugatan sa insidente.
Bagama’t may umiiral na gun control laws, patuloy pa rin ang insidente ng hindi otorisadong pagdadala ng armas. Sa kaso ng suspek, sinasabing may permit ito para sa kanyang baril, ngunit walang pahintulot mula sa Comelec dahil sa umiiral na election gun ban.
Naging mabilis naman ang pagtugon ng mga pulis sa pamamagitan ng “hot pursuit operation” na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. Ngunit sapat ba ang pag-aresto lamang? Ang ganitong insidente ay dapat maging daan upang suriin ang mga patakaran sa traffic enforcement at road safety measures.
Hindi biro ang pagmamaneho sa Pilipinas, mabigat ang trapiko, nakaka-stress, at madalas may mga driver na hindi sumusunod sa patakaran.
Gayunman, hindi kailanman dapat gawing rason ang trapik o pagmamadali upang idaan sa dahas ang hindi pagkakaintindihan. Ang pagiging mapagpasensya, at pagsunod sa batas-trapiko ay hindi lamang para sa kaayusan kundi para na rin sa kaligtasan ng lahat.
Marahil, dapat na tutukan ng mga law enforcer ang ganitong karahasan sa kalsada dahil sadyang nakakaalarma na at nagdudulot na rin ng takot sa marami.
Ang insidente ng road rage sa Antipolo ay isang paalala kung paanong puwedeng masira ang buhay, makasakit ng tao o may mawalan ng buhay dahil lamang sa isang iglap na galit.
Sa isang bansa kung saan ang kalsada ay nagiging lugar ng karahasan, kailan natin matututunan na ang tunay na matapang ay hindi pumapatol at mapagkumbaba?
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments