top of page

Kapulisan nasa full alert na para sa mahinahong kilos-protesta

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 21
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | September 21, 2025



Boses by Ryan Sison


Dahil sa paulit-ulit na nararanasang pagbaha na ang puno’t dulo ay katiwalian, hindi na nakapagtataka kung bakit nagkakaisa ang taumbayan upang maningil at papanagutin ang mga taong nasa likod nito na siyang nagpapahirap sa bansa. 


Ang malaking protesta ngayon, Setyembre 21 ay hindi lang ordinaryong pagtitipon, kundi isang paraan upang ipakita ang galit ng mamamayan sa gobyerno na tila manhid sa problema ng mga proyektong hindi nakikita, pero milyon ang halagang nauubos, na dapat inilalaan sa mas kailangan. 


Kaya naman kahapon pa lamang, Setyembre 20, ay nasa full alert status na ang Philippine National Police (PNP), partikular na ang buong National Capital Region Police Office (NCRPO) bilang paghahanda at pag-secure sa anti-corruption protest rally, na ginaganap sa ngayon. 


Mahigit 50,000 pulis sa buong bansa ang naka-deploy, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang kagawaran para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga dadalo sa rally -- protesters, bystanders, at buong komunidad at panatilihing payapa ang kilos-protesta. 


Ayon kay PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., layunin ng hakbang na ito na igalang ang karapatan sa mapayapang pagtitipon habang pinipigilan ang anumang posibleng kaguluhan. Nagpahayag din si NCRPO spokesperson Major Hazel Asilo na walang indikasyong mauuwi sa marahas na insidente ang protesta, taliwas sa nangyari sa Nepal at Indonesia. Gayunman, pinaalalahanan ang publiko na ipinagbabawal ang magdala ng mga armas at bladed weapons habang may pahintulot pa ring magsuot ng maskara ang mga lalahok. 


Ang rally na idinaraos sa Luneta Park at People Power Monument ay kasabay ng makasaysayang araw ng deklarasyon ng Batas Militar ni Ferdinand Marcos, Sr. noong 1972. 


Sa gitna ng lahat ng ito, malinaw ang gustong ibigay na mensahe, na sawa na ang taumbayan sa sistema ng gobyerno at ang paulit-ulit na korupsiyon na nilulubog hindi lang ang kaban ng bayan kundi pati kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Kung ang pamahalaan ay nagpapatupad ng transparency, hindi na sana aabot sa lansangan ang galit ng mamamayan. Ang mga flood control project ay dapat solusyon sa baha, hindi paraan ng pangungurakot. 


Kung iisipin, ang paglabas sa mga lansangan ay simbolo ng kalayaang maipahayag ang mga hinaing at ekspresyon ng paglaban sa katiwalian. 


Maging aral na sana ang nangyayaring ito sa atin, na dapat tayong kumilos -- mula sa pagbabantay sa gobyerno hanggang sa simpleng wastong pagboto. 


Ang tunay na depensa laban sa katiwalian ay malasakit, konsensya at paninindigan ng bawat Pinoy — opisyal man o ordinaryong mamamayan. Gayundin, ang pagbabago ay hindi lang isinisigaw, dapat itong isabuhay para sa hustisya at kapakanan ng lahat.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page