Kapulisan, mas palawakin ang kaalaman sa mga batas
- BULGAR

- Oct 9, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 9, 2024

Ang simpleng paglabag sa mga ordinansa at regulasyon ay hindi sapat para bigyang-katwiran ang isang warrantless search and seizure. Ito ang binigyang-diin ng Korte Suprema, lalo na kapag ang parusa ay walang kasamang pagkakakulong.
Batay sa desisyong isinulat ni Associate Justice Mario Lopez, pinawalang-sala ng Second Division ng Korte Suprema ang isang lalaking motorista na nahatulan ng illegal possession of firearm, matapos ipahayag ng Korte na “inadmissible” o hindi maaaring tanggapin bilang ebidensya ang nakumpiskang baril dahil ito ay resulta ng isang ilegal na search and seizure.
Sa ilalim ng Rule 126, Section 13 ng Rules of Court, ang mga search and seizure na walang warrant ay maaaring pahintulutan kung ito ay bahagi ng isang tinatawag na lawful arrest. Pero ang isang lawful arrest o legal na pag-aresto ay dapat unang isagawa bago ang isang warrantless search and seizure.
Sa naturang kaso, ang naging batayan ng mga police officer sa pagtugis sa akusado ay ang kanyang naging paglabag sa traffic rules sa pagpasok sa isang one-way street, na magreresulta lamang dapat sa pagkumpiska sa lisensya ng motorista.
Paliwanag ng SC na sa kabila ng kanyang traffic violation na pagpasok sa one-way na kalsada, hindi siya under arrest nang habulin siya ng mga police officer.
Ayon sa Korte, dahil walang bisa ang naganap na pag-aresto, wala ring bisa o hindi balido ang sumunod na warrantless search.
Kung minsan may mga pagkakataon talaga na may nagagawa tayong paglabag na kahit simple lamang ay humahantong sa mabigat na parusa.
Katulad ng nangyari sa isang motorista na hindi naman kagustuhan at nagkamali sa traffic rules pero nagsagawa ng warrantless search ang mga pulis sa kanya at nakitaan ito ng baril.
Kinakailangan sigurong magkaroon ng mas malawak at mas malalim pa na kaalaman tungkol sa mga batas ng ating mga kapulisan para maging maayos ang pagpapatupad nila rito, at nang sa gayon ay wala namang ordinaryong mamamayan na mapatawan ng anumang maling kaparusahan.
Sa ating mga kababayan, dapat na matuto rin tayo sa mga batas upang hindi tayong maging mangmang hinggil dito, at makakaya naman nating ipaglaban ang ating mga karapatan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments