Kapalpakan sa Dengvaxia, nagdulot ng trauma sa mga Pinoy na magpabakuna!
- BULGAR

- Dec 15, 2020
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | December 15, 2020
Kailangang ibalik ang tiwala ng taumbayan sa pagbabakuna bilang paghanda sa COVID-19 vaccine. Ito ang opinyon ni Dr. Lulu Bravo, executive director ng Philippine Foundation for Vaccination sa kanyang pangamba na marami pa ang kontra-bakuna lalo na sa social media. Walang ibang masisisi riyan kundi ang kontrobersiya sa Dengvaxia.
May ginawang pag-aaral ang First Draft kung saan nakita ang impluwensiya ng social media at pulitika sa pagpapalaganap ng maling impormasyon ng isang bagay, halimbawa sa Dengvaxia. Ang naging masamang epekto nito ay ang pagbagsak ng tiwala ng mamamayan sa lahat ng bakuna. Matatandaang noong 2019, dumami ang mga kaso ng tigdas at polio sapagkat karamihan sa mga magulang ay nangangamba umano na pabakunahan ang kanilang anak.
Pero bukod sa kontrobersya ng Dengvaxia, sa tingin natin ay marami pa ang hindi sigurado kung magpapabakuna agad kontra COVID-19 dahil sa bilis ng paglikha nito.
Halos wala pang isang taon ay naglabas na ang ilang kumpanya ng kani-kanilang bakuna kontra COVID-19. Ang bakuna ay ilang taon ang inaabot bago masabing ligtas para maibigay sa mga tao.
Ang bakuna ng Pfizer/ BioNTech na sinimulang ibigay sa mga piling tao sa UK ay may dalawang ‘allergic reaction’ nang naitala. Kaya naglabas agad ng pahayag na kung may kasaysayan ng allergy ay huwag munang magpabakuna. Hindi pa natin alam ang magiging side-effects nito mula sa ibang kumpanya tulad ng Sinovac.
Sa nais ng buong mundo na magkaroon na ng bakuna laban sa COVID para maibalik na sa normal ang buhay, baka ang kapalit ay mga reaksiyon o side-effects na hindi pa nalalaman o lumalabas. Hindi rin pare-pareho ang epekto ng bakuna sa tao. Pero malinaw na kailangan talaga ng bakuna.
Tiwala ang kailangang ibalik sa tao hinggil sa pagpapabakuna. Kung paano maibabalik, ‘yan ang malaking tanong.
Kaugnay nito, hinamon ni Sen. Christopher “Bong” Go sina DOH Sec. Duque at vaccine czar Carlito Galvez na unang magpabakuna. Gayundin, hindi ba’t nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na magpapabakuna siya agad kapag dumating ang mga bakuna na mula China? Makatulong kaya sila sa pagbalik ng tiwala sa bakuna? O, panahon na lang talaga ang makakasagot niyan?





Comments