top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Kapalpakan ng PNP sa leadership ni Sinas sa paghawak ng kaso, mas lumalala pa!!!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 8, 2021
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 8, 2021



Daig pa sa mag-asawang sampal ang tinamo ng Makati Philippine National Police (PNP) matapos ibasura ng Office of the City Prosecutor ng Makati ang kasong rape with homicide dahil sa kawalan ng ebidensiya laban sa tatlong suspek na inaresto.


Ayon sa piskalya, walang ebidensiya na may naganap na rape at wala ring makapagpatunay na may sabwatan para maisagawa ang pagpaslang maliban sa inilabas na death certificate na ang sanhi ng kanyang kamatayan ay raptured aortic aneurysm.


Hindi rin umano matukoy kung may naganap mang rape kung sino sa mga sinampahan ng kaso ang gumawa nang panggagahasa na naging dahilan upang muling isailalim sa preliminary investigation ang lahat.


Dahil sa kahinaan ng Makati PNP ay hindi nila nagawang magsumite sa piskalya ng DNA analysis, toxicology/chemical analysis at histopath examination na pangunahing kailangan upang madetermina kung anong kaso ang nararapat isampa kung meron man.


Sa madaling-sabi, malasado ang isinampang kaso kaya ang resulta ay pinauwi ng piskalya ang tatlong suspek na tila mga babaeng nag-iiyakan at hindi magkamayaw sa emosyong kanilang nararamdaman.


Ayaw nating diretsong sisihin ang pamunuan ng PNP ngunit kahit saan tayo ipaling ang direksiyon ng pagsusulat ay talagang ang PNP ang lumalabas na may pagkukulang kung bakit naglagablab patungo sa mali ang kasong ito ni Christine Angelica Dacera.


Si Dacera, 23-anyos, ng General Santos City, isang flight attendant ng PAL Express ay natagpuang wala ng buhay sa loob ng City Garden Grand Hotel sa Makati City noong tanghali ng Enero 1, taong kasalukuyan.


Tinangka pang iligtas ang biktima nang isugod ito ng mga kasamahan sa Makati Medical Center ngunit idineklara na itong dead on arrival kaya agad nagsagawa ng imbestigasyon ang Makati PNP at ang resulta ng imbestigasyon, posibleng dinroga bago ginahasa tapos ay pinatay ang biktima.


Kaya hindi natin masisi ang ina ng biktima na si Sharon Dacera na halos sumabog ang dibdib sa paghahanap ng katarungan dahil sa paniwalang dumanas ng karumal-dumal na sitwasyon ang kanyang anak ayon sa imbestigasyon ng Makati PNP.


Nakadagdag pa rito ang pahayag ni Chief PNP Police General Debold M. Sinas na ‘solved’ case na umano ito at katunayan ay binigyan na niya ng ultimatum ang walo pang inuugnay sa kaso na hindi pa sumusuko.


Napakarami ng anggulo sa kasong ito kaya dapat naging maingat ang PNP sa kanilang mga pahayag dahil hindi biro ang mamatayan ng anak, lalo pa at maganda, cum laude pa sa University of Philippines (UP) Mindanao at ngayon ay isang flight attendant.


Sa lahat ng naglabasang detalye na galing sa imbestigasyon ng Makati PNP ay wala kahit isa ang malinaw maliban sa hotel na dapat managot dahil sa pinayagan niyang mag-party ang grupo ng biktima sa kabila ng kasagsagan nang pagbabawal dahil sa pandemya.


Maging sa panayam ay tahasang sinabi ni NCRPO chief, Brig. Gen. Vicente Danao, Jr. na posibleng na-excite lamang umano ang Makati PNP kaya agad na isinampa ang kaso laban sa labing-isang suspek.


Lalo pang gumulo dahil sa iba’t ibang pahayag nina Chief PNP Sinas, ng Makati PNP Chief na si Col. Harold Depositar, ni NCRPO chief Danao at ng mismong tagapagsalita ng PNP na si PCol Robert Gallardo hinggil sa kasong ito na sana kung may time ay mag-chat naman kayo kahit paminsan-minsan.


Hindi natin sinasabing dapat may gumulong na ulo sa PNP hinggil sa pangyayaring ito, kasi higit sa lahat ay dapat na si Chief PNP Sinas ang managot d’yan dahil malaking katunayan ito na kulang na kulang talaga sa kaalaman ang ating pulisya pagdating sa paghawak ng kaso.


Palagi na lamang nakasaklolo ang pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) para apulahin ang apoy kapag naglalagablab na dahil sa kawalan ng tiwala o kakulangan ng kakayahan ng PNP.


Lahat tayo ay umaasang dapat magkaroon ng katarungan ang pagkamatay ni Christine kung totoong siya ay hinalay at pinaslang ngunit hindi makatarungan na madiin ang mga walang-sala habang nakangising gagala-gala ang tunay na salarin kung totoong may krimeng naganap.


Sa ngayon ay hintayin natin ang resulta ng ikalawang ulit na autopsy at sa isasagawang preliminary investigation baka sakaling luminaw na ang malabo pa sa sabaw ng pusit na imbestigasyon ng PNP.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page