top of page
Pokwang.jpg

Kapakanan ng mga OFWS, mas sisiguruhin!

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 3, 2021
2 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 3, 2021



Ang pandemyang kinahaharap natin marahil ang pinakamabigat na pagsubok na sinapit ng ating henerasyon. Bukod sa epekto sa kalusugan, nagdulot din ito ng pagbagsak ng ekonomiya kung saan marami ang nawalan ng trabaho, humina ang kabuhayan, at nadagdagan ang mga nagugutom.


Bukod sa maayos na pag-implementa ng Ease of Doing Business Act, isinusulong natin ang E-Governance Bill upang mas makapag-adapt ang bansa sa ‘new normal.’ Suportado natin ang pagpasa ng iba’t ibang economic recovery measures, tulad ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE bill. Kinakailangan ang mga ito upang matulungan ang mga negosyo at mga Pilipino na bumangon at muling umunlad.


Patuloy din ang ating pagbibigay-importansiya sa humigit-kumulang sampung milyong Overseas Filipinos na isa sa pinaka-apektadong sektor ng pandemyang ito. Nito lamang nakaraang mga linggo, may mga naiulat na pang-aabuso sa kababaihan sa ibang bansa. Isa ito sa mga rason kung bakit pursigido nating isinusulong ang pagtatatag ng Department of Overseas Filipinos o DOFil.


Ayaw nating makitang merong mga kababayan natin na naaabuso, lalo na nasa malalayong lugar sila. Bagong bayani kung ituring natin sila, sana ay suklian nang mas maayos at mas mabilis na serbisyo ang kanilang sakripisyo para sa kanilang pamilya at sa bayan. Ito ang ating ipinaglalaban — ang kapakanan at buhay ng mga Pilipino kahit saan man sila sa mundo.


Kung maipasa ito, ang DOFil ay magiging ganap na departamento na may Cabinet-level Secretary na siyang tututok sa mga pangangailangan ng mga Pilipino na nasa ibang bansa. Magiging malinaw na rin ang “Chain-of-Command” at hindi na maguguluhan pa ang mga Pilipino kung saan sila lalapit para humingi ng tulong.


Magkakaroon din ng One Country-One Team approach kung saan magkakaisang reresponde ang mga nakatalagang iba’t ibang agency representatives na nakadestino sa ibang bansa para tutukan ang pangangailangan ng ating mga kababayan doon.


Tungkol naman sa pagsugpo sa COVID-19, ginagawa ng gobyerno ang lahat upang makakuha na tayo ng sapat, ligtas at epektibong mga bakuna. Sisiguraduhin nating mabibigyan ng libreng bakuna ang mga frontliners, ang mahihirap, at ang mga bahagi ng vulnerable sectors.


Ang kooperasyon ng lahat ang pinaka-importanteng hakbang tungo sa ating muling pagbangon. Habang muli nating binubuhay ang ekonomiya, huwag muna tayo magkumpiyansa at patuloy tayong mag-ingat. Ang mga simpleng mga patakaran na ipinatutupad ng gobyerno ang magliligtas ng buhay natin at ng ating mga mahal sa buhay.


Ang patuloy nating pakikiisa, pakikipagbayanihan, at pagmamalasakit sa kapwa ang nagbibigay sa gobyerno ng lakas upang magserbisyo ng husto sa inyong lahat.


Walang Pilipino ang dapat maiwanan sa daan tungo sa muli nating pagbangon. Kung magkakaisa tayo, sabay-sabay din tayong aahon mula sa pagsubok na ito.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page