top of page

Kapag taas-presyo sa gas ang laki-laki, pero ‘pag rollback kakarampot!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 11, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 11, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

PATI KONSTITUSYON SINISISI NI SP ESCUDERO SA ISYUNG ‘FORTHWITH’ --Sinisi ni Senate President Chiz Escudero ang Konstitusyon dahil ang dapat daw na inilagay sa bahagi ng impeachment ay “immediately” at hindi “forthwith” dahil kung iyan (immediately) daw ang inilagay, agad-agad aaksyunan ng Senado ang impeachment laban kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.


Iisa lang naman ang meaning niyan (immediately at forthwith), sa Tagalog o Pinoy language ay “agad-agad.” Hay naku, itong si SP Escudero sumusobra na sa pagiging Duterte Diehard Supporter (DDS), kasi mantakin n’yo, pati Konstitusyon sinisisi sa impeachment cases ni VP Sara, tsk!


XXX


MUNGKAHI NI SEN. TOLENTINO NA 19 DAYS IMPEACHMENT TRIAL, TAGILID SI VP SARA -- Nais ni outgoing Sen. Francis Tolentino na tapusin ng itatayong impeachment trial sa loob ng 19 na araw o hanggang June 30, 2025 ang paglilitis kay VP Sara at sa petsang ito (June 30, 2025) ibaba ang hatol ng mga senator-judges kung guilty or not guilty ang bise presidente.


Sa totoo lang, agrabyado si VP Sara sa mungkahing iyan ni Sen. Tolentino dahil napakaikli ng panahon na iyan, na kapag guilty ang hatol sa kanya ng majority senator-judges, maaga siyang mapapatalsik sa puwesto, boom!


XXX


SA ‘BISYO NI SEN. BONG GO’ NA MAGSERBISYO, PAGPAPATAYO NG 4 PUBLIC HOSPITALS PASADO NA SA SENADO -- After ng eleksyon, balik-trabaho agad si Sen. Bong Go, Senate Chairman ng Committee on Health, at dahil diyan, apat na panukalang batas niya para sa kapakanan ng mamamayan ang pasado na sa Senado, at ang mga ito ay ang pagtatayo ng Liloy General Hospital sa Zamboanga Del Norte; Aurora Medical Center na itatayo sa Baler, Aurora province; Zamboanga Del Sur Second District Hospital na itatayo sa San Miguel, Zamboanga Del Norte at pag-upgrade ng Quirino Province Medical Center na nasa Cabarroguis, Quirino province.


Iyang “Bisyo ni Sen. Bong Go” na magserbisyo ang talagang naging dahilan kung kaya’t sa nakalipas na halalan ay siya ang ginawan0g number 1 senator ng sambayanang

Pinoy, period!


XXX


SANA KAPAG MAY ROLLBACK, LAKIHAN ANG IBABAWAS SA PRESYO NG MGA PRODUKTONG PETROLYO -- May naganap na namang oil price hike kahapon, P0.60 sa kada litro ng gasolina; P0.95 sa kada litro ng diesel at P0.30 sa kada litro ng kerosene.


May kalakihan din ang mga dagdag-presyo na ito sa mga produktong petrolyo, at sana kapag nagkaroon naman ng oil price rollback, lakihan din naman ang tapyas sa presyo, at hindi ‘yung kakarampot lang ang ibinabawas sa presyo ng mga kumpanya ng langis, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page