top of page

Kap’s Amazing ang Pasko giveaway

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 13, 2021
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 13, 2021



Ilang buwan na rin simula ng pinakahuli nating ‘giveaway’ at mula noon ay patuloy tayong nakatatanggap ng mga request mula sa ating mga tagasubaybay hanggang sa kasalukuyan at ang kanilang kahilingan ay matutupad na.


Medyo naging abala kasi tayo nitong nagdaang mga araw dahil marami tayong trabaho bilang Senador, ikinasal pa ang aking anak at higit sa lahat ay naging abala tayo sa maraming aktibidades sa tambalang BBM at Sara (BongBong Marcos at Sara Duterte).


Isang malaking karangalan na nabuo ang tambalang BBM-Sara sa loob mismo ng aming farm sa Silang, Cavite at mula roon ay kitang-kita naman kung gaano katanggap ng ating mga kababayan ang napakalakas na tambalang ito na kumakandidatong Presidente at Bise-Presidente ng bansa.


Pero ang magandang balita, matutuloy na sa Disyembre 23 ng alas-6: 00 ng gabi ang pinakahihintay ng lahat na tatawagin nating ‘Kap’s Amazing Ang Pasko Giveaway’ na hindi na mapipigilan ng kahit ano pang pagsubok ang dumating sa ating kapaligiran.


Maging ang pandemya na nagpadapa sa ating ekonomiya ay hindi na kayang pigilan ang pagbibigay natin ng ayuda sa ating mga kababayan, partikular sa talagang mga nangangailangan ng tulong dahil talagang hindi ko naman kayo kayang tiisin.


Siyempre, tulad ng dati ay mapapanood tayo ng live sa Facebook- https://facebook.com/bongrevillajrph/ at Youtube-https://www.youtube.com/c/BongRevillajrph/ at abangan ninyo kung sinu-sino ang aalalay sa atin bilang host ng programa at may mga pasabog kaya inaasahang magiging masaya ito.


Dahil dito ay iniimbitahan ko lahat ng ating mga kababayan, kabilang na ang Kapuso, Kapamilya, Kapatid at lahat-lahat na sumali at makisaya sa napakaraming regalo at cash na ating ipamamahagi na kung dati ay maraming nabiyayaan — lalo na ngayong Pasko.


Magkakaroon pa rin ng Nochebuenamizer at magsasagawa ng napakaraming raffle para sa mga pangalan ng nanood ng live sa isasagawa nating ‘Kap’s Amazing Ang Pasko Giveaway’ at sa lahat ng nagbibigay ng comment habang naka-ere ang programa.


Hindi n’yo pa rin mami-miss ang mga dati nating pakulo, tulad ng roleta, Agimat ng Agila Letra o Pera na napakarami nang nag-uwi ng malalaking premyo at napakarami pang karagdagang giveaway na isasagawa dahil pamaskong handog natin.


Higit sa lahat ay may malaki tayong anunsiyo hinggil sa mga kababayan nating mahilig magsayaw dahil magkakaroon tayo ng ‘Amazing Ang Pasko Dance Challenge’ na puwedeng lahukan ng grupo ng mga mahihilig magsayaw.


Maging ‘yung nag-champion noong nakaraang taon ay maaari pa ring sumali kaya lamang ay dapat bago na ang costume at maging ang dance steps o acrobatic stunts kung meron man ay bago rin at hindi na papayagan ‘yung mga lumang performances.


Isa pa sa pinakamahalaga ay ang musikang gagamitin na dapat lagyan ng sayaw ay ang ating amazing music kung saan makikita akong kumakanta habang naka-Santa Claus at ito ang tanging tugtog lamang na maaaring gamitin ng mga nais lumahok.


Maaari n’yo itong kunin sa Amazing Ang Pasko na muli nating ini-re-post noon lamang isang araw at ang mga nais sumali ay mag-post lamang ng inyong video na sumasayaw sa facebook gamit ang Amazing Ang Pasko Christmas Jingle


Basta huwag lamang kalilimutang ilagay ang #AmazingAngPasko sa caption ng inyong video post at #BongRevilla -- dapat naka-send din sa atin sa public para magkaroon kami ng acces at upang makita ito ng aming team na siya namang mag-aanalisa kung sino ang karapat-dapat manalo.


Kaya sa mga walang masyadong ginagawa ngayong bakasyon ng Kapaskuhan o natengga dahil sa pandemya ay kailangan ng kinatawan mula sa inyong barkada, magkakapatid, magkakamag-anak o kahit ano pang grupo basta’t kayang sumayaw ay puwedeng sumali.


Naaalala ko pa noong nakaraang taon ay napakarami nang sumali at kahit medyo nahirapan ang aming team ay naging masaya naman ang resulta at ngayon ay inaasahang mas marami pa ang sasali kaya dapat maging maagap at galingan ang entry.


Bale, inanunsiyo na sa ating Facebook na ang simula ng pagpapadala ng video ay simula nooong Disyembre 10 hanggang sa Disyembre 20 pa ang deadline kaya napakahaba pa ng inyong araw para maghanda.


Lalo pa ang kabataan ngayon na halos wala nang ginawa kung hindi sumayaw, mag-TikTok at mag-isip ng kung anong mga bagong sisikat na dance steps ay tiyak na may mga nakahanda na ‘yang panlaban o sa loob ng isang araw ay kaya nang bumuo ng sayaw.


Kumuha tayo ng mga propesyunal na may kinalaman sa husay sa pagsasayaw na silang tatayo bilang judge at ipalalabas ito mismo sa Disyembre 23 sa mismong Kap’s Amazing Ang Pasko Giveaway na live mapapanood ng sambayanan.


May mga nakahanda kaming pa-premyo mula P10,000, P20,000, P50,000 at tumataginting na P100,000 para sa mga magwawagi at papalaring manonood ng live ng ating programa at santambak na tig-iisang libo pa ang aming ipamamahagi.


Tiyak na madadagdagan pa ‘yan dahil sa dami ng mga kaibigan at iba pang sponsors na gustong tumulong para maging masaya ang Pasko ng ating mga kababayan partikular ang mga naapektuhan ng pandemyang ito.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page