top of page

Kanser ng lipunan, panahon nang labanan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 hours ago
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 31, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Noong Oktubre 27, buong pasasalamat nating tinanggap ang Humanitarian Service Award mula sa Rotary Club of Bukluran Quezon City. Malaking karangalan ito para sa akin bilang isang lingkod-bayan, pero mas malaking karangalan ang makapagserbisyo at makatulong sa mga kababayan nating nangangailangan. Hindi ko kailanman hinangad ang anumang parangal, pero ang ganitong pagkilala ay nagsisilbing inspirasyon sa ating patuloy na paghahatid ng malasakit at tunay na serbisyo sa kapwa Pilipino.


Bilang isang mambabatas, matagal ko nang itinuturing na tungkulin ang maging kasama ng mga grupo at organisasyong tunay na naglilingkod. Malapit sa puso ko ang Rotary dahil kapareho namin ang paniniwala na ang serbisyo ay dapat ibigay nang walang hinihintay na kapalit. Tulad ng madalas kong banggitin sa kanila, ipinagpapatuloy ko ang laban para sa mas maayos na serbisyong medikal sa bansa, lalo na para sa mga pinakamahihirap na Pilipino.


Bahagi ng aking health reforms crusade ang pagtatatag ng mga Malasakit Centers — mga one-stop shops kung saan mas madali nang makakuha ng tulong medikal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Ngayon ay mayroon nang 167 Malasakit Centers sa buong bansa na nakatulong na sa milyun-milyong Pilipino na makapagpagamot nang hindi iniintindi ang dagdag gastos. Kasabay nito, itinutulak ko rin ang pagtatayo ng mga Super Health Centers upang matiyak na kahit sa mga malalayong lugar, may access sa primary care, konsultasyon, at maagang pagtukoy ng sakit. Ang palaging kong paalala sa DOH at LGUs, dapat ma-implement nang maayos ang mga Super Health Centers, huwag maging white elephant and make it operational. Maganda ang layunin ng Super Health Center, at malaki ang tulong nito lalo sa mga mahihirap na pasyente.


Hindi rin ako titigil sa pagsusulong ng mga espesyal na serbisyong medikal sa mga rehiyon sa pamamagitan ng Republic Act No. 11959, na ako ang principal sponsor at isa sa mga may-akda. Sa batas na ito, itinatayo ang Regional Specialty Centers sa mga DOH hospitals upang hindi na kailangang bumiyahe ng malayo ang mga pasyente para lamang sa espesyal na gamutan.


Habang nakikinig ako sa mga mensahe ng mga Rotarian, lalo kong naramdaman kung gaano kalakas ang diwa ng volunteerism at malasakit kapag nagsanib. Sabi ko nga, kahanga-hanga ang Rotary sa patuloy nitong pagsasabuhay ng “service above self” — isang motto na hindi lang salita kundi paninindigan ng tapat na paglilingkod sa kapwa. Kapag pinagsama ang serbisyo ng pamahalaan at ng mga organisasyong tulad ng Rotary, mas malawak ang naaabot na tulong at mas maraming buhay ang nababago.


Huwag din nating kalimutan na bahagi ng pagseserbisyo sa bayan ay ang paglaban sa mga kanser ng lipunan tulad ng korupsiyon. I am one with the Filipino people in this crusade! Papanagutin natin ang tunay na mga mastermind sa flood control at ghost projects scandal. Hindi tayo papayag na malihis ang issue at dapat maparusahan ang mga tunay na may kasalanan.


Samantala, noong October 22, personal tayong nagtungo sa Barangay 127 sa Pasay City upang maghatid ng tulong sa 100 biktima ng sunog. Doon ay binisita rin namin ang pamilya ni Jamzy Jamero, isang 10-taong-gulang na tanging nasawi sa nasabing sunog, upang ipaabot ang aming pakikiramay at magbigay ng dagdag na tulong sa panahong kanilang pinagdaraanan.


Noong October 23, inimbitahan din kami sa ika-55 Annual Convention ng Philippine Association of Schools of Medical Technology and Public Health (PASMETH) sa Caloocan City.


Habang noong October 27, personal din tayong nagtungo sa Malabon City upang tulungan ang 459 na mga biktima ng sunog sa lungsod. Naghatid tayo ng tulong upang kahit papaano ay maibsan ang hirap na kanilang pinagdadaanan sa gitna ng trahedya.


Nitong October 28, nagtungo rin tayo sa Brgy. Pulang Lupa Uno, Las Piñas City upang makiramay at mag-abot ng tulong sa mga pamilyang nasunugan. Kasama ng aking Malasakit Team, tinugunan namin ang agarang pangangailangan ng 69 na pamilyang naapektuhan ng insidente.


Samantala, noong nakaraang linggo, bumisita ang Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad upang maghatid ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Iloilo City, Cagayan de Oro City, Sta. Cruz sa Davao del Sur, Cebu City, at Quezon City.


Nagbigay rin kami ng tulong sa mga maliliit na negosyante at mahihirap na pamilya sa ilang bayan sa Agusan del Sur, Tarlac at Bulacan; at mga barangay workers sa Cebu City.


Patuloy akong maglilingkod sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page