Kandidatong nambabastos at nanlalait sa kababaihan, ‘wag iboto
- BULGAR

- Apr 9, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 9, 2025

IMBES MAGPAKITA NG MORAL SUPPORT, IDINA-DOWN PA LALO NI ENRILE SI EX-PDU30 -- Sinabi ni Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na malaki ang kanyang paniniwala na hindi na makakabalik sa Pilipinas si dating Presidente Rodrigo Duterte na nakakulong ngayon sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands.
Noong si ex-PDu30 pa ang pangulo ng Pilipinas ay isa si Enrile sa mga todong sumisipsip sa kanya, pero ngayon nakakulong na ang ex-president sa ICC jail, imbes magpakita ng moral support, idina-down pa niyang lalo, tsk!
XXX
MASAKIT SA PAMILYA DUTERTE ANG GINAWA NI PBBM -- Masakit talaga sa pamilya Duterte ang ginawa sa kanila ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM).
Noong 2022 presidential election puwede naman kumandidato sa pagka-presidente si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, pero nagparaya siya at nag-bise na lang sa dating private citizen na Bongbong Marcos. Nagtodo kampanya sa kanya ang mga Duterte kaya ibinoto ng milyun-milyong Duterte Diehard Supporters (DDS) at nang manalo at maging presidente, pinaimbestigahan ang confidential funds ni VP Sara, sinampahan ng impeachment complaint ang bise presidente at ang matindi, hinuli at isinurender si ex-PDu30 sa ICC, tsk!
XXX
SA RAMI NG MGA PULITIKONG PARANG WALA SA WASTONG PAG-IISIP, DAPAT GUMAWA NG BATAS ANG KONGRESO NA ISAMA SA REQUIREMENTS NG COMELEC ANG NEURO TEST SA MGA KAKANDIDATO -- Dapat gumawa ng batas ang Kongreso na isama na sa requirements sa mga kakandidato sa eleksyon ang neuro test.
May mga pulitiko kasing nagsipag-file ng candidacy na pinayagan ng Comelec na kumandidato na parang wala sa mga wastong pag-iisip.
Sa Bicol, may kandidatong nagsabi ng patungkol sa hitsura ng mga babae kapag nakikipagtalik. Sa Metro Manila, may kandidatong puwede raw siyang pilahan ng mga babaeng solo parents at sa Mindanao ay may kandidatong nagsabing dapat daw magaganda ang mga babaeng nurse, hindi pangit.
Hindi katanggap-tanggap sa mga kababaihan ang ganyang mga statement sa pangangampanya, kaya’t para matigil na ang pambabastos at panlalait sa mga kababaihan, dapat na talagang isama sa requirements ng mga kakandidato ang neuro test, period!
XXX
MGA KANDIDATONG NAMBABASTOS AT NANLALAIT NG MGA KABABAIHAN DAPAT IBASURA SA ELEKSYON -- Ang mga kandidatong nambabastos at nanlalait sa mga kababaihan ay dapat ibasura sa eleksyon.
Kapag ibinoto pa kasi ang mga iyan at mga nagsipagpanalo, tiyak na hindi titigil ang mga iyan sa pambabastos at panlalait sa mga kababaihan, at baka ang mangyari ay gayahin pa ng iba, sabihin na nananalo sa eleksyon ang mga kandidatong lalaki na nambabastos at nanlalait ng mga girls, boom!







Comments