top of page
Search
  • BULGAR

Kampante na naman ang mga Pinoy... Lumulobo na naman ang kaso ng COVID

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | June 30, 2022


Nagtala ng 848 bagong kaso ng COVID-19 noong Linggo, kung saan ito ang pinakamataas na data mula noong Marso, samantala nasa 11 naman ang namatay na base sa datos ng Department of Health (DOH).Pati umano ang mga doktor ay nagkakasakit na rin dahil marami na umano ang tumatanggap ng face-to-face consultation.


Ayon naman sa OCTA Research, tumaas ang positivity rate sa Metro Manila mula 3.9% ay naging 5.9% na. Ibig sabihin, dumarami ang positibo sa COVID. Hindi lang sa National Capital Region (NCR) tumataas ang positivity rate, kundi sa maraming lugar sa bansa. Pinakamataas sa lalawigan ng Rizal, kung saan tumaas ito ng 11.9% mula 6.3%. At lahat ito’y sa loob lang ng isang linggo.


Hindi natin masisisi ang katatapos na halalan kaya tumaas ang kaso at higit isang buwan na ‘yun. Sa tingin natin kaya patuloy ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 ay dahil mas nagiging kampante na ang mga tao. Wala nang pagdadalawang-isip na pumasok sa mga establisimyento kahit pa maraming tao, partikular sa mga kainan na kung makapagtanggal ng face mask ay ganun na lang.


Samantala, ayon sa DOH, posible pa umanong umabot sa mahigit 4, 000 kaso sa NCR kada araw sa gitna ng Hulyo dahil sa pagiging kampante na ng tao. May babala rin na maaaring ibalik ang NCR sa Alert Level 2. Hindi ito magiging maganda para sa lahat ng negosyo, na halos nagsisimula pa lang makabawi matapos ang mahigit dalawang taong paghihigpit dulot ng pandemya. Napakahirap na nga ng buhay, nakakalula pa ang presyo ng gasolina at diesel. Kahit ang mayayaman ay napapailing na lang kapag nagpapagasolina.


Hindi mapigilan ang paikut-ikot na paghigpit at pagluwag kung hindi rin tayo kikilos ng tama. Panatilihing isuot ang face mask kapag nasa pampublikong lugar. Hangga’t maaari’y umiwas sa maraming tao kasi hindi na nasusunod ang physical distancing. Gayundin, magdala ng mga hand sanitizer o alcohol. Sa atin dapat manggagaling ang solusyon, hindi ang panibagong problema.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page