top of page

Kamara, ‘pag sablay ang naging sagot sa mga kuwestiyon ng SC, awtomatik lusot na sa impeachment si VP Sara

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 13, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 13, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

AWTOMATIK LUSOT NA SA IMPEACHMENT SI VP SARA KAPAG SABLAY ANG NAGING TUGON NG KAMARA SA MGA KUWESTIYON NG SC -- Nakapuntos si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa mga kinakaharap niyang kasong impeachment matapos na aksyunan ng Supreme Court (SC) ang petisyon niya na kumuwestiyon sa legalidad ng mga “articles of impeachment” na isinampa sa kanya ng Kamara.


Inatasan na kasi ng SC ang Kamara na magsumite ito sa kanila ng mga dokumento tulad ng kung nagkaroon ng panahon ang lahat ng kongresista na pag-aralan ang mga kasong impeachment laban kay VP Sara, pinagdadala rin ng mga ebidensya, anong komite na nagbalangkas para i-impeach ang bise presidente, at kung binigyan ng pagkakataon ito (VP Sara) na maipagtanggol ang sarili sa Kamara.


‘Ika nga, kapag sablay ang naging tugon ng Kamara sa mga kuwestiyon ng SC, awtomatik lusot na sa impeachment si VP Sara dahil malamang ay atasan ng Korte Suprema ang Senado na ibasura na ang mga articles of impeachment laban sa bise presidente, period!


XXX


SA MGA NAGING SPOKESPERSON NG MALACANANG SI CLAIRE CASTRO ANG PINAKAMALAKAS MANG-ALASKA SA MGA KALABAN SA PULITIKA NG ADMINISTRASYON -- Sa mga naging spokesperson ng Malacanang, si Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang pinakamalakas mang-alaska sa mga kalaban sa pulitika ng administrasyon.


Sa unang presscon ni newly appointed Office of the Vice President (OVP) spokesperson Ruth Castelo ay tinanong siya ng mga mamamahayag kung papapelan din niya ang pagiging “attack dog” ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio laban sa Marcos administration, at ang tugon niya (Castelo) ay hindi raw siya magiging “attack dog” laban sa pamahalaan.

Nang magpa-presscon naman ang Malacanang ay natanong si Castro kung ano’ng reaksyon niya sa sinabi ni OVP spokesperson Castelo na hindi nito papapelan ang pagiging “attack dog” laban sa Marcos admin, at mabilis ang naging tugon ng Malacanang spokesperson na aniya, hindi na raw talaga kukuha si VP Sara ng “attack dog” kasi mismong ang bise presidente na raw ang pumapapel bilang “attack dog”, na madalas bumatikos sa Marcos admin, boom!


XXX


ROWENA GUANZON, NAGPRISINTA KAY VP SARA NA “ATTACK DOG” PARA ARAW-ARAW MAKIPAGBARDAGULAN KAY CLAIRE CASTRO -- Matapos sabihin ni OVP spokesperson Castelo na hindi siya “attack dog” ni VP Sara ay nag-post sa social media si former Comelec Comm. Rowena Guanzon na ipiniprisinta niya ang kanyang sarili sa bise presidente na kunin siyang “attack dog” laban sa Marcos admin.


Kaya kapag kinuha ni VP Sara si Guanzon na kanyang “attack dog” ay asahan nang hindi na matatahimik ang ‘Pinas sa bangayang pulitika kasi siguradong araw-araw silang (Guanzon vs Castro) magbabardagulan sa presscon at sa social media, abangan!


XXX


KAPAG KUMANDIDATO ULI SI VICO SOTTO SA 2028 ELECTION, LALABAS NA WALA SIYANG PALABRA DE HONOR -- Sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na hindi raw siya kakandidato sa anumang posisyon sa 2028 election.


Dapat panindigan ni Mayor Vico ang statement niyang ‘yan, dahil kapag kumandidato siya at ang ikinatuwiran ay hindi raw niya mahindian ang mamamayan na humihiling na kumandidato siya sa anumang posisyon, malamang dito siya unang makatikim ng pagkatalo dahil iisipin ng taumbayan na wala siyang isang salita o palabra de honor, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page