Kaligtasan at seguridad ng taumbayan ngayong eleksyon, tiyakin
- BULGAR

- Oct 6, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 6, 2024

Dahil isinasaalang-alang lamang ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan, nagsumite na ang Philippine National Police (PNP) ng kanilang listahan ng “potential election areas of concern” sa Commission on Elections (Comelec) na kasalukuyan na ring bina-validate.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ang listahan ng mga potential election areas of concern ay ipinadala na nila sa Comelec.
Iginiit niyang ang Comelec lamang ang puwedeng magdeklara nito, dahil ito aniya ay dadaan pa sa validation ng joint security council na pinapamunuan ng Comelec.
Pahayag ni Fajardo, mayroon itong apat na category. Ang mga nagkaroon ng validated election-related incidents ay tiyak na papasok sa “yellow category” dahil nga sa may nangyaring insidente.
Sinabi rin niya na ang iba pang mga parameter na kinokonsidera nila ay ang matinding political rivalry sa ilang mga lugar at ang presensya ng mga private armed groups. Gayunman, tumanggi si Fajardo na magbigay ng bilang tungkol dito.
Paliwanag niya, nag-iingat lamang sila na maglabas ng numero at mga area dahil maaaring magkaroon ng implikasyon sa pagdetemina ng kanilang posibleng areas of concern.
Sa nakaraang Barangay at SK Elections (BSKE), batay sa PNP, dalawang lugar ang isinailalim sa “red category”, kung saan ang purpose ng determination ay kung ilang mga pulis ang ilalagay nila sa areas of concern, at ilan ang malalagay sa Comelec control.
Matatandaang noong nakaraang buwan ay inutusan ni Police General Rommel Marbil ang kanyang mga commander na simulan ang pagtukoy sa mga posibleng “election areas of concern” para sa 2025 polls.
Habang sinabi ng PNP na tutukuyin din nila kung kakailanganin pa ng karagdagang tauhan para mag-deploy sa ilang lugar bilang antisipasyon sa posibleng election-related violence.
Mainam ang ginawang ito ng ating kapulisan na isumite na agad ang listahan ng potensyal na election areas of concern sa Comelec.
Kaligtasan at seguridad kasi ng mga mamamayan ang nakataya rito, at hindi natin ito puwedeng ipagwalang-bahala. Kumbaga, hindi natin alam kung kailan at saan puwedeng mangyari ang karahasan at maaaring magkaroon ng maraming sibilyang masasaktan.
Pero kung batid ng kinauukulan ang mga tinatawag na ‘hot areas’ ay marami silang maitatalagang mga pulis na magbabantay at magpapanatili ng katahimikan sa lugar, at maiwasan din ang anumang kaguluhan habang matitiyak pa na maayos ang kalagayan ng taumbayan.
Patungo pa lamang tayo sa magaganap na halalan, kaya sana ay maging mapayapa ito hanggang sa dulo nang mailuklok nating mabuti ang ating mga lider.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments