Kalidad na healthcare services sa bansa, mas palawigin pa!
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |December 10, 2021
Nitong nakaraang linggo, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang executive orders upang mas lalong palawigin ang access ng bawat Pilipino sa kalidad na healthcare services. Isa rito ang EO No. 155 na layuning magpataw ng Maximum Retail Price at Maximum Wholesale Price sa 71 na gamot alinsunod sa naunang EO No. 104 na pinirmahan ng Pangulo noong Pebrero ng nakaraang taon.
Nagpapasalamat tayo sa pag-apruba ng ating rekomendasyon na paigtingin pa lalo ang access ng mga Pilipino sa murang gamot, lalo na ngayong may pandemya. Patuloy tayong magtatrabaho para maging mas mabilis, maayos at maaasahan ang serbisyong pangmedikal sa ating bansa.
Dahil sa EO na ito, masisiguro nating mababa ang presyo ng mga gamot para sa ating mga kababayan. Naaayon din ito sa Republic Act No. 9502 o ang “Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act”.
Samantala, pinirmahan din ng Pangulo ang EO No. 154 na magsisiguro sa pagtatayo ng unang OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga. Mayroong 100 bed capacity ang naturang ospital at magkakaroon din ito ng research department para sa occupational diseases na karaniwan sa ating mga kababayang OFW.
Masakit para sa atin na makita ang mga OFWs na iniiwan ang kanilang mahal sa buhay para makapagtrabaho sa malalayong bansa. Marami sa kanila ang nawalan ng mga trabaho dulot ng pandemya at namomroblema kung ano ang ipantutustos sa pamilya.
Kaya bilang mambabatas, natutuwa tayong makita na binibigyan natin ng tamang pagkilala ang mga bagong bayani sa panahong ito.
Samantala, tuluy-tuloy ang pag-iikot ng ating opisina upang mamigay ng tulong sa mga kababayan nating apektado ng pandemya at mga nakaraang sunog at sakuna. Sa Visayas, nag-abot tayo ng tulong sa 1,312 na micro-entrepreneurs; at 7,174 na miyembro ng iba't ibang sektor sa Negros Occidental; 6,000 sa Antique; at 2,000 sa Leyte.
Hindi rin tayo tumigil sa pag-aabot sa mga Mindanao. Sa Davao City, tumulong tayo sa 1,424 na kababayan nating pinakanaapektuhan ng COVID-19, at 70 namang apektado ng monsoon waves, habang sa Zamboanga del Norte, nag-abot tayo ng tulong sa 2,612 na magsasaka mula sa Mutia at 2,000 na senior citizens at katutubo naman sa Polanco.
Sa North Cotabato, tumulong din tayo sa 3,080 miyembro ng marginalized sector; 3,769 sa Agusan del Sur; 3,000 sa Misamis Occidental; at 1,619 sa Bukidnon.
Tumulong din tayo sa 705 residente ng Davao de Oro; 778 na magsasaka sa Sultan Kudarat; 2,200 na magsasaka sa South Cotabato; at 700 mula sa iba’t ibang sektor sa Maguindanao.
Tumulong din tayo sa mga nasunugan at biktima ng sakuna sa iba’t ibang panig ng bansa.
Tumulong tayo sa 237 na nasunugan sa Basilan; 75 sa Cebu City; 14 sa Pasay City, at anim naman sa Makati City. Apat na pamilyang nasunugan din ang inabutan natin ng tulong sa Sta. Maria, Bulacan. Tinulungan din natin ang 260 landslide at fire victims sa Talisay City, Cebu; 1,000 typhoon victims sa Laguna; at 2,115 naman sa La Union.
Samantala, bilang Chair ng Senate Committee on Health, masaya nating ibabalita na meron ng kabuuang 94.24 milyong doses ng bakuna ang naiturok, kung saan merong 54.03 milyong Pilipino ang nakakuha ng first dose at 39.56 milyon na ang fully vaccinated, as of December 8.
May mahigit 643,000 booster shots ang naiturok din. May mahigit 150.41 milyong doses ng bakuna na tayo sa bansa. Patuloy ang ating vaccine rollout tungo sa herd immunity para maging ligtas at masaya ang ating Pasko at bagong taon.
Kapakanan at interes ng bawat Pilipino ang ating uunahin, lalo na at may banta pa ng pandemya.
Hindi tayo titigil sa pagtatrabaho para mabigyan ng magandang kinabukasan ang susunod na henerasyon habang unti-unting bumabangon ang ating bansa.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments