top of page
BIDA - AGOT KAY SEN. ROBIN SA HINA NG ULO MONG ‘YAN, SA TINGIN MO, MAUUTO MO KAMI-FB Agot

Kalbo na raw dahil sa stress… KEN, TNT SA THAILAND, SA BAR NAGWO-WORK

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 59 minutes ago
  • 4 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | May 25, 2026



SHEET - KEN, TNT SA THAILAND, SA BAR NAGWO-WORK-IG _akosikenchan

Photo: IG _akosikenchan



Sa Bangkok pala ngayon nakabase ang aktor na si Ken Chan at nagtatrabaho base sa report ni Cristy Fermin sa Showbiz Now Na (SNN) vlog nila nina Wendell Alvarez at Romel Chika.


Sa SNN episode kahapon, Linggo, ay napag-usapan ng tatlong hosts ang binata na palipat-lipat daw sa kanyang pinagtatrabahuhan sa Thailand, ayon sa sources nilang mga Pinoy din.


Matatandaang dalawang taon nang hindi nagpapakita si Ken Chan matapos isyuhan ng warrant of arrest dahil sa kasong syndicated estafa. Hindi nagtagumpay ang mga awtoridad na arestuhin siya sa kanyang tirahan nang ihain ang unang warrant noong

Setyembre 2024 at nasundan noong Nobyembre 2024.


Bungad ni Wendell, “Itong si Ken Chan, maraming nagsasabi na palipat-lipat dito sa Asia. Tapos, sabi nakikita s’ya sa Vietnam, nakikita s’ya sa Thailand. Pero ang sinasabi ay nagtatrabaho s’ya roon, lalo na sa Thailand, sa mga bars. Alam naman natin ang Thailand din ba, tinatawag nilang… (bleep) country.”


Singit ni ‘Nay Cristy, “Bakit naman napunta d’yan sa ano… ‘wag na muna ‘yan. Alam ko ‘yan, eh, sa Patpong.”


Pagpapatuloy ni Wendell, “Siguro, maraming kaibigan si Ken Chan, maraming kakilala, maraming tumutulong kaya siguro nakapagtrabaho siya sa mga bars.”


Ang gustong tukuyin ni Wendell, kapag may umiikot na mga Immigration officers sa lugar kung saan nagtatrabaho si Ken Chan ay tinutulungan siyang itago ng mga kaibigan o kakilala niya.


Sabi rin ni ‘Nay Cristy, “Ikaw, Romel Chika, matagal kang nagtrabaho sa Japan. Sa Thailand pala, kapag may mga paikut-ikot na Immigration officers sa pinagtatrabahuhan ni Ken Chan, itinatago s’ya sa CR. Totoo ba ‘yun?”


“Totoo ‘yun! ‘Di ba ‘yung pelikula ni Alden Richards at ni Kathryn Bernardo na Hello, Love, Goodbye, nu’ng may nakakita, ‘di ba tumakbo?” pagpapatunay ni Romel Chika.

At bilang naging OFW (Overseas Filipino Worker) sa Japan ay ikinuwento rin ni Romel Chika ang naging karanasan niya sa nasabing bansa.


“Sa Japan, ‘Nay Cristy, illegal booking na tinatawag na ‘di ka ru’n naka-book pero du’n ka nagtatrabaho kasi sa dami ng club ng amo namin at ‘di pa makapagdala ng talent du’n, dito kami naka-schedule pero dahil walang talent du’n, sa ibang bar kami inilalagay.

“Alam mo, ‘Nay Cristy, na-experience namin pumapasok kami nang alas-dose ng gabi,” balik-tanaw ni Romel Chika.


Parehong tanong nina Wendell at ‘Nay Cristy, “Bakit?”

“Kasi wala na ‘yung Immigration officers ‘pag ganu’ng oras kasi ang office hours, mga hanggang alas-nuwebe ng gabi,” paliwanag ng isa sa SNN hosts.


Dagdag ni ‘Nay Cristy, “Kaya pala si Ken Chan, kapag umiikot daw ang Immigration officers ay itinatago. Wala rin siyang work permit, ‘no?”


“Opo, as in talagang nakasubaybay ang Immigration. Ang tawag sa amin ng mga Pinoy sa Japan, Migmig. Meron pa minsan isinasarado o isina-shut down ‘yung bar namin pero operational kami. Nag-o-operate kami sa loob kahit nakasarado kami ru’n. Isipin mo? Nakakatakot!” kuwento pa ni Romel Chika.


Hindi naman daw kumakatok ang Immigration officers kapag nakitang sarado ang club.

“‘Di na. May mga ganu’n sila kasi ‘pag pinilit mo, puwede silang idemanda ng trespassing. ‘Di katulad dito sa Pilipinas na pipilitin ka,” esplika ni Romel Chika.


Sabi pa ni ‘Nay Cristy, “At ito raw si Ken Chan, ayon sa mga Filipino sources natin, payat na payat, kalbo na at ‘di na raw dating ganu’n ang hitsura. Napapabayaan na n’ya ang sarili n’ya.”


“Natural, ‘Nay Cristy, ilang taon na ba s’yang patagu-tago? S’yempre, walang peace of mind,” sambit ni Romel Chika.


Samantala, may tsikang umiikot na sasamantalahin daw ni Ken Chan na umuwi ng bansa para sumuko habang nagkakagulo sa Senado tungkol sa mga nakawan at iba pa upang matabunan ang isyu ng aktor.


“Parang umuwi man s’ya, sumuko man s’ya, siguro one day, pag-uusapan s’ya pero the next day, balik na naman du’n sa maiinit na balita. So, palagay mo?” tanong ni ‘Nay Cristy kay Romel Chika.


“Puwede na rin para matapos na, Ken Chan, kasi ‘di mo habambuhay matatakbuhan ‘to,” opinyon ni Romel Chika.


“Totoo ‘yan. Mas mabilis tumakbo ang problema kaysa sa atin. Kailangan, harapin mo ‘yan, ‘di puwedeng patagu-tago. Isang araw, makikita mo, ‘di na maliit ang Pilipinas kundi maliit ang mundo!” katwiran ni ‘Nay Cristy.


Pero may ibang tsika ring nabalitaan ang tatlong SNN hosts na nasa Zamboanga City daw ang aktor dahil ito raw ang backdoor ng Pilipinas.


“Palagay ko kung nasa Zamboanga, lalabas ‘yan. Alam mo naman ang mga Pilipino, mga Marites. Alam mo naman, kung walang peace of mind, lahat apektado,” saad ni ‘Nay Cristy.

Sabi ni Wendell, kapag walang peace of mind ay nagkakaroon ng alopecia o nakakalbo.

“Siguro ganu’n ang nangyari kay Ken Chan?” sabi ni Wendell.


“Hindi, dati nang mataas ang hairline pero ngayon siguro ay napanot na. Pero ako, makikilala ko s’ya,” kaswal na sabi ni ‘Nay Cristy.





Ex ni Maris, piniga ni Sue…

RICO, ‘DI MABILANG KUNG ILAN NA ANG NAKA-SEX



HINDI naman kaila sa lahat na marami nang nakarelasyon ang OPM icon na si Rico Blanco, may taga-showbiz at non-showbiz, kaya siguro natanong siya ng aktres na si Sue Ramirez ng, “What is your body count?”


Bagay na hindi agad naintindihan ng singer-songwriter-actor dahil kabilang na siya sa Generation X o Gen X samantalang si Sue ay youngest millennial.


Kaya ipinaliwanag ni Sue kay Rico na ang ibig sabihin nito ay kung ilan na ang babaeng nakasiping niya at doon pa lang na-gets ng binata.

Aniya, “I don’t count bodies, I count hearts.”


Ito ang ikinuwento ni Rico sa panayam niya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).

Kaya ang tanong ng TV host, “Ano ang ginagawa mo kung hindi ka nagbibilang ng katawan?”


“I don’t like to see people as numbers,” seryosong sagot ng ex-boyfriend ni Maris Racal.


Pero kung pipilitin pa rin daw si Rico Blanco na tanungin kung ilan na ang nakarelasyon niya ay saka pa lang niya ito bibilangin sa kanyang mga daliri.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page