top of page

Kakulangan sa tulog, may negatibong epekto sa kalusugan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 1, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 1, 2024


Boses by Ryan Sison

May mga negatibong epekto ang kakulangan o kawalan ng tulog sa ating kalusugan.


Ito ang naging babala ng mga eksperto matapos lumabas na ang mga Pilipino ang pinakakulang sa tulog na naitala sa Southeast Asia, ayon sa isang pag-aaral.


Batay sa 2023 data mula sa Milieu Insight, isang consumer data analytics company, nangunguna ang Pilipinas sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya, kung saan 56 porsyento ng mga Pinoy, ang natutulog nang wala pang pitong oras araw-araw.


Sa isa pang datos mula sa Sleep Cycle Survey ng World Economic Forum ay sinasabing ang mga Pinoy ay nagtatala lang sa pagitan ng 6.3 at 6.45 oras ng pagtulog araw-araw.


Ang nagiging sanhi ng kawalan ng tulog ay dahil sa digitalization at globalization, kabilang dito ang paggamit ng social media o mobile phone habang nagpapahinga at iyong graveyard shift.


Gayunman, ang kakulangan sa tulog ay hindi dapat na binabalewala.


Ang inirerekomendang oras ng pagtulog para sa mga adults ay 7 hanggang 9 oras bawat gabi habang ang mga senior citizen ay dapat makatulog ng humigit-kumulang 6 hanggang 8 oras sa isang gabi.


Ayon kay Philippine Society of Sleep Medicine president Rodolfo Dizon Jr., ang kakulangan sa tulog ay maaaring humantong sa obesity, at cardiovascular diseases gaya ng sakit sa puso, high blood pressure, stroke, at heart attacks.


Aniya pa, mayroon ding pagkakataon para sa mga indibidwal na kulang sa tulog na magkaroon ng diabetes at mga impeksiyon.


Hindi dapat na ipagwalangbahala lamang nating mga Pinoy ang kawalan ng sapat na tulog dahil may masamang epekto ito sa ating kalusugan.


Kaya siguro marami sa ating mga kababayan ang nagkakasakit sa puso at altapresyon dahil kulang nga sa tulog. 


Marami rin kasi sa atin ang nagpupuyat sa kalalaro ng games sa kanilang cellphone at maaaring ang iba naman ay nagmo-movie marathon kaya tuloy madaling-araw na ay gising pa.


Para sa mga nahihirapan na matulog, marahil, dapat nating ayusin ang ating iskedyul sa pagtulog. Iyong may oras na itatakda sa gabi na kailangang nagpapahinga na. Dapat ding sigurong panatilihin nating malinis, tahimik, at madilim ang ating kuwarto sa gabi. Puwede ring sanayin nating maghanda muna gaya ng paliligo bago matulog. At higit sa lahat iwasan na nating gumamit ng mga gadget sa gabi o huwag nang mag-cellphone isang oras bago matulog.


Isipin natin na mas makabubuti ang pagkakaroon ng tama at sapat na tulog para sa ating kalusugan. 


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page