Kakaibang kalikasan, kakaibang Belen
- BULGAR

- 3h
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 20, 2025

Nagbago na ang klima. Ito ang tinatawag na “Climate Change.” Ngunit nagbabago ang klima hindi dahil sa kalikasan, kundi dahil sa kawalan ng pagbabago sa tao. Ilang pulong na ang naisagawa ng Conference of the Parties (COP) sa ilalim ng UN Framework Convention on Climate Change (UNFCCC). Ang ika-30 pulong ay ginanap sa Belém, Brazil, mula Nobyembre 10 hanggang 21, 2025, kaya tinawag itong COP 30.
Pinag-usapan muli ang problema ng “usok” mula sa iba’t ibang uri ng pagsusunog para sa enerhiya, tulad ng coal power plants, nuclear power plants, paggamit ng fossil fuels para sa mga sasakyang gumagamit ng gasolina at diesel, at iba pang isyung konektado dito.
Sa COP 30, nagsalita ang mga kinatawan mula sa sektor ng mga katutubo mula sa iba’t ibang bansa. Ramdam ang presensya at tinig ng mga grupong ito sa malawak na gubat ng Amazon. Nagsalita rin ang mga kinatawan ng iba’t ibang pamahalaan na nakikiisa sa COP 30. Ngunit, gaya ng dati, may mga bansang hindi naniniwala o hindi dumalo. Sa kabilang banda, dumalo si Kardinal Ambo David, at nagpahayag siya ng lungkot at pagtataka nang hindi nagsalita ang delegasyon ng Pilipinas. Puwede bang manahimik ang sinuman sa gitna ng lumalalang krisis sa kalikasan?
Isa sa mga malinaw na dahilan ng kawalan ng aksyon ay ang pagtigas ng pananaw, galaw, at polisiya ng ilang bansa at kanilang mamamayan. May mga bansang hindi tinatanggap ang paninindigan ng COP 30, karamihan ay malalaki at mayayamang bansa na may kinalaman sa supply ng mga produktong mapanganib sa kalikasan. Magkaiba ngunit magkakaugnay ang pananaw at ugali ng mga korporasyon at ng tao. Pera ang nagpapatakbo sa ugali at paninindigan ng mga korporasyon, samantalang pangangailangan at konsumo ang nagpapatakbo sa ugali ng karaniwang tao.
Ginagamit ng mga korporasyon ang mga advertising at PR firms para hubugin at palalimin ang mga “perceived o programmed needs”—ang mga inaakalang pangangailangan ng tao. Layunin nito na maipakita sa tao na kailangan nila ang mga produktong ibinebenta ng korporasyon. At matagumpay naman ang kampanyang ito. Masaya ang mga PR at advertising groups dahil sa malaking kita.
Dahil dito, nabuo ng malawak na samahan ng mga maka-kalikasang organisasyon, bansa, grupo, at indibidwal ang pangunahing sangkap ng “maka-kalikasang pananaw at ugali.” Ito ang kailangang palaganapin sa buong mundo upang matulungan ang lahat na makawala sa nakasasama at nakamamatay na ugali ng labis na konsumo. Kaya naman sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo, lumikha kami ng kakaibang Belen na humahamon sa maling pananaw at ugali.
Sa Belen sa Baha, hindi napapalibutan sina Jose, Maria, at ang sanggol na si Jesus ng karaniwang dayami, sawaling bubong, at pader. Sa halip, ginamit ang sirang yero, punit-punit na tarpaulin, at pira-pirasong kahoy. Sa paligid nito, makikita ang malalaking bato, lupa, mga bali-bale, putol-putol na kahoy, at isang artipisyal na batis. Nakakalat rin ang mga plastic bottles, sirang damit, iba’t ibang plastik, bakal, at mga gamit sa bahay.
Ipinaliwanag namin sa lahat ng misa: kung muling isisilang ang Panginoon, hindi siya isisilang sa maliliwanag at malalamig na mall o malalaking mansyon, kundi sa gitna ng mga gumuhong gusali dahil sa lindol o sa mga bagong tayong barong-barong sa binahang lugar.
Sa kabilang bahagi ng altar, makikita ang unti-unting tumataas na bundok na araw-araw pinagsasama ang iba’t ibang sangkap ng kalikasan—lupa at bato, mga punla ng puno, tubig, kandila, kawayan, atbp. Nabubuo ito araw-araw ngunit nasisira rin ng mga korporasyong nagmimina, pumupuputol ng puno, at nagtatayo ng mga pabrika at planta. Ang Belen ang sumasagisag sa ating abang tahanan at kapaligiran, bunga ng abuso at kapabayaan. Gayunpaman, ipinapakita rin nito ang dapat nating gawin araw-araw upang ibalik ang lusog, bisa, at dangal ng kalikasan.
Tara na at tunghayan, pagnilayan, dasalan, at hayaang hamunin at baguhin tayo ng Belen sa Baha tungo sa isang ligtas, masagana, at marangal na kalikasan at sangkatauhan.








Comments