top of page

Kakaibang bahang sumisira sa mga bahay at buhay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 13 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 1, 2025



Fr. Robert Reyes


Matatapos ang panahon ng bagyo at baha. Hanggang katapusan pa ng Disyembre ang hihintayin natin bago bumalik sa normal ang buhay ng lahat. 


Maalala natin ang Bagyong Sendong na rumagasa sa Mindanao noong Disyembre 16, 2011. Tinatayang mula 1500 hanggang 2500 ang namatay sa matinding hagupit ng bagyong ito. Natatandaan pa natin nang tumungo tayo sa Cagayan de Oro para dalawin ang mga sinalanta ng Bagyong Sendong. Naroroon ang kaibigan nating si Mimo Perez an direktor ng Kapuso Foundation sa ilalim ni Mel Tiangco. 


Simula na ng popular na tradisyong Pinoy, ang araw kung saan ng dumating si ‘Sendong’. Handa na ang mga parol sa mga tahanan at mga simbahan. Handa na rin ang lahat para sa Misa de Gallo, na ginaganap ng madaling-araw. Tradisyong buhay na noong panahon ng mga Kastila ang pagmimisa ng madaling-araw, alas-3 o alas-4 ng umaga sa siyam na araw bago mag-Pasko. Nobenaryo ng paghahanda sa pagdating ng Panginoon sa araw ng kanyang kapanganakan. 


Ngunit sa halip na tahimik, banal at makabuluhang pagdiriwang ng Misa de Gallo, isang trahedya ang dumalaw sa Mindanao. Imbes na Pasko ng galak, naging dalamhati ang Pasko noong Disyembre 25, 2011. 


Sa awa ng Diyos, hindi nagtapos sa dalamhati ang lahat. Sinundan ito ng matinding pakikiisa at pagmamalasakit. Ito ang tinatawag na “solidarity” sa Ingles. Ito ang panawagan ng simbahan sa lahat sa panahon ng matinding pangangailangan. 


Hindi maaaring magkibit-balikat at magsabing hindi naman kami tinamaan dito sa Maynila. Bahala na silang mga taga-Mindanao na lutasin ang kanilang problema. Ganoon ba talaga ang tao? Kanya-kanya dahil magkakaibang tinitirhan at kinikilusan?


Hindi! At malinaw ang itinuturo ng maraming simbahan at paniniwala. “Anak ng Diyos ang lahat. Magkakapatid tayo kay Kristo!” Paniniwala ito ng lahat ng mga Kristiyano. 

“Magkakaugnay ang lahat, lahat magkakaugnay!” Kinakanta ito ng isang bandang Pinoy at halos alam ito ng lahat ng mga isinilang noong dekada 70. 


Bagaman turo ito ng mga disipulo ni Buddha, isang mahalaga at malalim na prinsipyo itong ekolohikal. Magkakaugnay at iisa ang lupa, hangin, tubig, init ng araw, apoy ng bulkan, at iba pa. Iisa ang lahat ng nilikha ng Diyos. Sama-sama at sabay-sabay Niyang binubuhay ang kanyang sangnilikha na siya ring bumubuhay sa lahat ng may buhay.


Merong isang materyal na bagay na hindi Diyos kundi tao ang lumikha. Salapi! Hindi galing sa Diyos ang salapi. Nilikha ng tao ang salapi upang gawing mas madali ang palitan ng paggawa. Ito ang tinuligsa ni Karl Marx sa kanyang Das Kapital. Kung paano nagkaroon ng katumbas sa salapi ang paggawa ng tao. Tila ganoon din ang nangyari sa tao, naging isang bagay na natutumbasan ng salapi, isang bagay na nabibili. Nasaan na ang dangal ng paggawa? Nasaan na ang dangal ng tao? Ilan lang ito sa mga tanong ni Karl Marx. 


Ngunit, matagal nang tinatanong ng simbahan ito sa marami nang naisulat at napangalat na mga panlipunang turo ng simbahan o ang Church Social Teachings o CSP. Merong panlipunang katuruan (CSP) ang simbahan ngunit tila hindi ito nabibigyan ng pantay na pagpapahalaga sa opisyal na Katekismo ng Simbahang Katoliko. Ito na ang pagkakataong dapat palaganapin ang Church Social Teachings. 


Ang kasalukulang isyu ng korupsiyon ay mapayapang paksa na binubuo ng sapin-saping ibang paksa mula sa magandang pamamahala, sistema at kultura ng katarungan, ng epektibong batas na maaaring humadlang at magparusa sa mga nasasangkot sa anumang uri ng katiwalian.


Kaya naman kahapon, Nobyembre 30, ay lumabas hindi lang sa Maynila kundi sa bawat diyosesis at parokya ng Simbahang Katoliko, upang ipakita kung gaano tayo handang kumilos para sa pagtataguyod ng programang laban sa korupsiyon. Mula People Power Monument hanggang sa lahat ng mga diyosesis at parokya kung nasaan ang Simbahang Katoliko magkakaroon ng nagkakaisang panawagan at pagkilos.


Nararapat lang kumilos ang mga diyosesis at bawat parokya ng Simbahang Katoliko. Nagsimula na ring kumilos ang iba’t ibang diyosesis, at magpapatuloy na kumilos ang lahat. 


Ang naturang araw ay araw ng pagtutol at pagtuligsa sa anumang korupsiyon sa lahat ng antas at sangay ng pamahalaan hindi lang sa DPWH, Kamara at Senado. 


Sa bawat parokya ng iba’t ibang diyosesis nabubuo ang mga pagkilos na mayroong iisang diwa at tema: labanan ang korusiyon, panagutin at ikulong ang may sala. 

Nagkakaisa na rin ang lahat, at unti-unting namumulat ang matagal nang nililinlang at pinipiringang maliliit, ang masa. Unti-unting lumilinaw kung paano magkakaugnay ang lahat. 


At kung paanong magkaisa ang lahat hindi lang upang maghanda sa baha kundi upang labanan ang sanhi nito, ang maruming salapi, ang salaping isinisingit at ninanakaw, ang salaping puno’t dulo ng baha, ang baha ng maruming salapi, ang baha ng salapi’t mamahaling bato, salaping itinago sa dose-dosenang maleta, ito ang bukal, ang baha ng maruming salapi.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page