Kailangang may hulog din ang SSS… Hindi dapat mababa sa P5-K ang suweldo ng kasambahay sa NCR
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 05, 2022
Dear Chief Acosta,
Nais kong itanong kung magkano na ang sahuran ng kasambahay ngayon kung kami ay kukuha nito? Kailangan din ba silang laanan para sa kontribusyon sa Social Security System (SSS)? - Ahya ng Valenzuela
Dear Ahya,
Ang isa sa mga pangunahing karapatan ng mga kasambahay ay ang mabigyan sila ng angkop na sahod. Sa katunayan, ang proteksiyon para sa angkop na sahod ay isa sa mga polisiya na nakasaad sa pagpapatupad ng Republic Act (R.A.) No. 10361 o mas kilala bilang Domestic Workers Act o Batas Kasambahay. Ang partikular na probisyon tungkol dito ay nasa Section 2 ng nasabing batas:
“Section 2. Declaration of Policies. – It is hereby declared that:
x x x
(b) The State adheres to internationally accepted working conditions for workers in general, and establishes labor standards for domestic workers in particular, towards decent employment and income, enhanced coverage of social protection, respect for human rights and strengthened social dialogue;
x x x” (R.A. No. 10361)
Sa Section 24 ng R. A. No. 10361 ay ginagarantiyahan ang mga kasambahay na sila ay dapat makatanggap ng angkop na minimum wage. Sa kasalukuyan, sa ilalim ng Current Monthly Minimum Wage for Domestic Workers (January 2022) na ipinalabas ng National Wages and Productivity Commission, ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa National Capital Region, kung saan kabilang ang lungsod ng Valenzuela ay dapat hindi bababa sa P5,000. (https://nwpc.dole.gov.ph/stats/current-monthly-minimum-wage-for-domestic-workers/)
Malinaw na nakasaad din sa R. A. No. 10361 ang garantiya na mabigyan ng angkop na benepisyong kontribusyon ang mga kasambahay at isa na rito ay ang buwanang hulog sa Social Security System o SSS, kung sila ay nakapanilbihan nang hindi bababa sa isang buwan. Kaugnay nito, nakasaad sa Section 30 ng nasabing batas na:
“A domestic worker who has rendered at least one (1) month of service shall be covered by the Social Security System (SSS), the Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), and the Home Development Mutual Fund or Pag-IBIG, and shall be entitled to all the benefits in accordance with the pertinent provisions provided by law.
Premium payments or contributions shall be shouldered by the employer. However, if the domestic worker is receiving a wage of five thousand pesos (P5,000) and above per month, the domestic worker shall pay the proportionate share in the premium payments or contributions, as provided by law. x x x” (Section 30, id)
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments