top of page

Kailan masasabing “right of way” ang pagtawid sa kalsada?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 1, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 1, 2020



Dear Chief Acosta,


Ako ay motorista sa kalakhang Maynila. Bukod sa alam nating maraming sasakyan dito, marahil ay pansin din natin na madalas nang makaugalian ng karamihan sa atin ang tumawid sa hindi tamang tawiran o sabihin na nating sa kung “saan-saan”. Dahil dito, madalas, ito ay nagiging sanhi ng aksidente o kung hindi man ay ng sigalot sa pagitan ng mga driver at pedestrian.


Kamakailan, mayroon akong nakasagutan na tumatawid sa daan na nagalit sa akin nang aking businahan habang siya ay tumatawid. Aniya, bilang pedestrian ay siya ay mayroong “right of way” kaya dapat akong magparaya. Alam ko na marami ng driver na tulad ko ang nakaranas ng ganitong sitwasyon. Kaya naman, nais kong malinawan kung ano ba ang right of way sa mga ganitong sitwasyon. – Ann Jun


Dear Ann Jun,


Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa probisyon ng Republic Act (R.A.) No. 4136, o mas kilala sa tawag na Land Transportation and Traffic Code. Ayon sa Article 3, Section 42 (c) ng nasabing batas, ang nagmamaneho ng sasakyan ay nararapat na magbigay-daan sa taong naglalakad o pedestrian kapag ang huli ay tumatawid sa linya ng tawiran o crosswalk, viz:


“(c) The driver of any vehicle upon a highway within a business or residential district shall yield the right of way to a pedestrian crossing such highway within a crosswalk, except at intersections where the movement of traffic is being regulated by a peace officer or by traffic signal. Every pedestrian crossing a highway within a business or residential district, at any point other than a crosswalk shall yield the right of way to vehicles upon the highway.”


Gayunman, bagama’t ang pangkalahatang alituntunin o general rule ay sinasaad na ang may right of way ay ang tumatawid o pedestrian, malinaw naman din sa nabanggit na batas na ito ay akma lamang kapag ang tumatawid o pedestrian ay nasa tamang tawiran o crosswalk. Bukod pa rito, kailangan ding ikonsidera na ang alituntunin na ito ay nakadepende rin sa presensiya ng traffic enforcer na may karapatang kontrolin ang daloy ng trapiko sa mga intersection.


Samakatwid, hindi tumpak na sabihin na ang tumatawid o pedestrian ay palaging mayroong right of way sapagkat nakasaad sa batas na ang karapatang ito ay naaangkop lamang tuwing nasa tamang tawiran sila. Sa kabilang banda, maliban sa nabanggit na sitwasyon, ang driver ng sasakyan ang mayroong right of way sa ating mga lansangang- bayan o highway.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page