Kailan maaaring ilitin at maibenta ng lokal na pamahalaan ang isang ari-arian
sa ilalim ng isang delinquency sale?
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 21, 2022
Dear Chief Acosta,
Nakabili kami ng lupa sa isang sikat na developer sa aming probinsiya. Nang kami ay lumuwas ng Maynila hindi namin napansing hindi namin nabayaran ang buwis sa nasabing lupa. Ipinabatid naman namin ang aming pagbabago ng tirahan sa aming developer bago kami umalis. Nagkaroon diumano ng proseso sa aming probinsiya para mailit ang aming lupa at iginiit diumano ng munisipyo na sapat na ang notice nila sa aming developer ukol dito, kahit pa sinasabi na mayroon kaming kasalukuyang address sa Maynila. Maaari po bang hindi kami masabihan ukol dito?
Pampi
Dear Pampi,
Para sa inyong kaalaman, ayon sa ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Filinvest Development Corporation vs. Nilo Del Rosario (G.R. No. 253115, September 15, 2021, Ponente: Honorable Former Associate Justice Rosmari D. Carandang), nararapat na masunod ang panuntunan ng pagbibigay ng naaayong notice sa tamang partido, gaya ng rehistradong may-ari ng lupa o sa rehistradong pinagbentahan nito, upang lubusang masabi na maaari nang ilitin at maibenta ng lokal na pamahalaan ang isang ari-arian sa ilalim ng isang delinquency sale:
“Therefore, considering the failure to comply with the mandatory requirements under Sections 254, 258, and 260 of the LGC for a valid tax delinquency sale, specifically as to the posting requirements and the proof of the various notices and warrant of levy by the registered owner of the property or a person having legal interest thereon, the Court renders the tax sale null and void.”
Samakatuwid, kung naibenta man ang inyong lupa nang walang maayos na pagpapaalam sa inyo, maaaring mabalewala ito kapag hindi lubos na nasunod ang panuntunan ng batas.
Bilang mga bagong may-ari ng lupa, marapat lamang na kayo ang bigyan ng Notice of Delinquency at iba pang mga abiso ukol sa “tax delinquency sale” ng munisipyo. Masasabi nating hindi sang-ayon sa batas ang ginawang pagpapadala ng mga notices sa developer. Dahil dito, maaaring ipawalang-bisa ang nasabing pagbebenta sa public auction ng inyong lupa ng munisipyo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments