Kailan kaya wala nang aalis na OFWs?
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 18, 2023
Nakakapiga ng puso ang ipinamalas na kabayanihan at katapatan sa paglilingkod ng mga nasawing overseas Filipino workers (OFWs) sa gitna ng digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Ating tinitingala habang tumatangis ang kadakilaan ng caregiver na si Angelyn Aguirre, 33, na piniling manatili sa tabi ng kanyang inaalagaang Israeli na si Nira, 70, kahit may pagkakataong tumakas para iligtas ang kanyang buhay mula sa nakaambang panganib sa kamay ng paparating na Hamas.
Ang anim na taong pagtatrabaho ni Angelyn sa ibang bayan ay natapos sa isang iglap ng nakaririmarim na pangyayari. Kasamang natuldukan hindi lamang ang kanyang mga aspirasyon, kundi pati ang kanyang mga mithiin para sa pamilya niya at mahal sa buhay.
Nakakadurog din ng kalooban ang sinapit ng isa pa nating OFW sa Saudi Arabia, si Marjorette Garcia, na nasawi matapos pagsasaksakin ng kanyang kasama sa trabaho na taga-Kenya kamakailan.
Sa kabila nito, patuloy tayong itinatawid ng ating mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo na nagpapadala ng remittances na umabot sa US$2.78 bilyon nitong Mayo 2023, mas mataas ng 2.9 porsyento kaysa sa US$2.7 bilyon na nairehistro sa parehong buwan noong isang taon, ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Walang pag-aalinlangan na ang mga OFW ay ang mga bayani ng ating makabagong panahon.
Tulad nina Angelyn at Marjorette, sinusuong nila ang panganib sa hindi pamilyar na lugar nang buong katapangan. Dala ang determinasyon, naitawid nila ang mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya at pinaghirapang buuin ang kanilang mga pangarap.
Gayunpaman, sa gitna ng ating pagluklok sa kanila bilang ating mga bayani ay ang ating mariing pagtatanong, kung kailan kaya makakatanaw ng pag-asa sa sariling bansa, ang ating mga kababayan upang hindi na nila kailanganing lumisan at iwan ang kanilang pamilya rito sa Pilipinas.
Madalas, sa kawalan ng oportunidad ay napipilitan silang humanap ng tsansa sa abroad para mabuhay nang marangal at makatulong sa mahal sa buhay.
Ngunit, lagi na lamang bang kailangang mangibang-bayan pa ng ating mga kababayan kahit nais nilang manatili sa Pilipinas kung mayroon lamang sana silang pagpipilian?
Kailan ba tunay na magsisimulang bumuti ang kalagayan sa bayan para hindi na nila isiping umalis? Palagi na lamang bang aasa ang ating ekonomiya sa mga padala ng ating mga kababayan mula sa ibang bansa sa halip na ang ‘Pinas ang magbibigay kinabukasan sa kanyang mga mamamayan?
Sana naman ay pagbutihin ng pamahalaan ang paglilingkod sa taumbayan lalo na ang pagtahak ng pagpapaunlad para hindi na kailangang malagay sa peligro at magbuwis ng buhay ang ating mga kababayan.
Sana ay wala nang Pinoy ang kailangang sumuong sa gitna ng panganib sa ibang lugar para lamang magbakasakaling matupad ang kanilang mga mithiin at doon ay matuldukan ang kanilang mga pangarap na magandang buhay.
Sana ang ‘Pinas ay maging para sa mga Pinoy, na mabubuhay nang may dignidad, may sapat na pagkain sa araw-araw at may mga totoong oportunidad para sa kanyang sarili at pamilya.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.





Tunay na nakakadurog ng puso at masakit sa damdaming masaksihan ang mag-ina, mag-ama o mag-asawa na mahigpit na magkayakap sa isa sa ating mga paliparan habang naghihintay ng sasakyang magdadala sa isa sa kanila sa ibang bayan upang doon maghanapbuhay para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang mga mahal sa buhay. Malungkot din isipin na may mga kababayan tayong nagiging biktima ng human trafficking o nangutang o nagsanla ng anumang maisasangla para magkaroon ng pambayad sa job recruiter na manloloko pala. Nakakapag-init din ng ulo na habang ang mga politiko ay tinatawag na mga bagong bayani ang mga OFW dahilan sa dolyares na ipinadadala nila sa Pilipinas na sumusuporta sa ating ekonomiya, wala naman tunay na ginagawa para umula ang ating ekonomi…