Kahulugan ng “Terry Search” ayon sa batas
- BULGAR
- Jun 16
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 16, 2025

Dear Chief Acosta,
Sinamahan ko ang aking tiyuhin sa presinto noong isang araw at narinig ko sa mga pulis ang katagang “Terry Search.” Ano ba ang ibig sabihin noon? Unang beses ko lang kasi iyon napakinggan at gusto kong malaman kung ano iyon at ano ang sakop nito. Maraming salamat sa inyong magiging kasagutan! — Vilma
Dear Vilma,
Sa Pilipinas, ginagarantiya ng ating 1987 Konstitusyon ang proteksyon ng pribadong buhay ng isang tao, lalo na laban sa mga di-makatuwirang paghahalughog at pagsamsam. Ayon sa Artikulo III, Seksyon 2 ng 1987 Konstitusyon:
“Sec. 2. The right of the people to be secure in their persons, houses, papers, and effects against unreasonable searches and seizures of whatever nature and for any purpose shall be inviolable, and no search warrant or warrant of arrest shall issue except upon probable cause to be determined personally by the judge after examination under oath or affirmation of the complainant and the witnesses he may produce, and particularly describing the place to be searched and the persons or things to be seized.”
Kaya naman, kung walang valid warrant of arrest o search warrant, hindi maaaring maghanap o arestuhin ng isang pulis ang isang indibidwal. Gayunpaman, may ilang partikular na pagbubukod dito.
Ayon sa Revised Rules of Criminal Procedure, pinahihintulutan sa ilang mga sitwasyon ang paghahanap nang walang warrant of arrest. Partikular itong nakabalangkas sa Rule 113, Section 5 ng nasabing panuntunan na nagsasaad:
“SECTION 5. Arrest without warrant; when lawful.— A peace officer or a private person may, without a warrant, arrest a person:
(a) When, in his presence, the person to be arrested has committed, is actually committing, or is attempting to commit an offense;
(b) When an offense has just been committed and he has probable cause to believe based on personal knowledge of facts or circumstances that the person to be arrested has committed it; and
(c) When the person to be arrested is a prisoner who has escaped from a penal establishment or place where he is serving final judgment or temporarily confined while his case is pending, or has escaped while being transferred from one confinement to another.”
Dagdag pa rito, sa kasong People of the Philippines vs. Rangaig (G.R. No. 2404471, Abril 28, 2021, na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Marvic Mario Victor F. Leonen), binanggit ang iba’t ibang pagkakataon kung saan mayroong “valid warrantless search and seizure”:
“1. Warrantless search incidental to a lawful arrest recognized under Section 12, Rule 126 of the Rules of Court;
2. Seizure of evidence in “plain view”;
3. Search of a moving vehicle;
4. Consented warrantless search;
5. Customs search;
6. Stop and Frisk; and
7. Exigent and Emergency Circumstances.”
Ang Terry Search ay maiuugnay sa “stop-and-frisk.” Ito ay ang paghahalughog ayon sa kasong Terry v. Ohio na napagdesisyunan ng Korte Suprema ng Estados Unidos noong 1968, kung saan ang isang pulis na may makatuwirang hinala na si Terry at ang kanyang dalawang kasama ay posibleng nagnakaw, kaya nilapitan ng mga pulis at hinaplos ang panlabas na kasuotan ni Terry. Sa kanyang paghahalughog o pagkapkap, naramdaman ng pulis ang isang baril sa bulsa ni Terry. Nagpasya ang Korte Suprema ng Estados Unidos na ang ganitong uri ng paghahalughog ay maaaring ituring na balido kung: (1)
May makatuwirang hinala ang pulis, batay sa kanyang karanasan, na may nagaganap o nagbabantang aktibidad na kriminal, at ang taong kinakaharap niya ay maaaring armado at may dalang panganib; (2) Ang paghahalughog ay limitado lamang sa maingat na paghipo sa panlabas na kasuotan; at (3) Ito ay isinasagawa lamang upang maghanap ng armas na maaaring gamitin upang saktan siya o ang ibang tao sa paligid.
Sa kasong People vs. Sapla (G.R. No. 244045, Hunyo 16, 2020, isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Alfredo Benjamin S. Caguioa), ipinaliwanag ang kahulugan ng “stop-and-frisk”:
“The Court has explained that stop and frisk searches refer to ‘the act of a police officer to stop a citizen on the street, interrogate him, and pat him for weapon(s) or contraband.’ Thus, the allowable scope of a ‘stop and frisk’ search is limited to a ‘protective search of outer clothing for weapons.’”
Sa iyong katanungan, ang Terry Search sa ating bansa ay maituturing na konektado sa stop-and-frisk. Isa ito sa mga kinikilalang pagkakataon kung saan maaaring gawin ang paghahanap o pagsasamsam nang walang search warrant.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comentarios