Kahulugan ng kalahating buwan sa retirement pay
- BULGAR
- 12 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 2, 2025

Dear Chief Acosta,
Nagkaroon ng malubhang karamdaman ang kapatid ko kung kaya’t siya ay aming dinala sa ospital. Hindi namin inasahan na lumagpas na pala sa aming kakayahang mabayaran ang naging gastusin sa ospital. Plinano na namin na siya ay iuwi na lamang sa bahay, ngunit hindi kami pinayagan ng ospital dahil sa hindi pa diumano nababayaran ang kanyang mga bayarin. Sa kasamaang palad ay pumanaw na ang kapatid ko, ngunit ayaw pa rin ibigay sa amin ng ospital ang kanyang labi dahil kulang pa ang aming ibinayad. May karapatan ba ang ospital na ipagkait ang labi ng aking pumanaw na kapatid dahil sa aming natitirang utang doon? -- Venus
Dear Venus,
Isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 9439, o mas kilala bilang “An Act Prohibiting the Detention of Patients in Hospitals and Medical Clinics on Grounds of Nonpayment of Hospital Bills or Medical Expenses” upang tugunan ang mga problemang kinasasangkutan ng ilang mga ospital at medikal na klinika na tumatangging ilabas ang mga pasyente dahil sa kanilang kawalan ng kakayahan na magbayad ng hospital bills.
Labag sa batas para sa alinmang ospital o medikal na klinika sa bansa na i-detain o kung hindi man ay maging sanhi, direkta man o hindi direkta, ng pagkulong sa mga pasyente, para sa mga dahilan ng hindi pagbabayad sa bahagi o buong mga bayarin sa ospital at mga gastusing medikal. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Section 2 ng nabanggit na batas na nagsasaad na:
“SEC. 2. Patients who have fully or partially recovered and who already wish to leave the hospital or medical clinic but are financially incapable to settle, in part or in full, their hospitalization expenses, including professional fees and medicines, shall be allowed to leave the hospital or medical clinic, with a right to demand the issuance of the corresponding medical certificate and other pertinent papers required for the release of the patient from the hospital or medical clinic upon the execution of a promissory note covering the unpaid obligation. The promissory note shall be secured by either a mortgage or by a guarantee of a co-maker, who will be jointly and severally liable with the patient for the unpaid obligation. In the case of a deceased patient, the corresponding death certificate and other documents required for interment and other purposes shall be released to any of his surviving relatives requesting for the same: Provided, however, That patients who stayed in private rooms shall not be covered by this Act.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang mga pasyente na ganap o bahagyang gumaling, at nais nang umalis sa ospital o klinika ngunit walang kakayahang magbayad, ng bahagi o kabuuan ng kanilang mga gastos sa ospital, kabilang ang mga propesyonal na bayad at mga gamot, ay dapat payagang umalis sa ospital o klinika. May karapatan ding hilingin ng mga pasyente ang kanilang kaukulang medikal na sertipiko at iba pang mga papeles na may kinalaman sa pagpapalabas ng pasyente mula sa ospital o klinika. Kailangan lamang ay magbigay ang mga ito ng promissory note na sumasaklaw sa mga hindi pa nababayarang obligasyon.
Ang nasabing promissory note ay dapat masiguro sa pamamagitan ng pagsasangla o garantiya ng isang co-maker, na mananagot jointly at severally sa ospital para sa hindi nabayarang obligasyon ng pasyente.
Sa kaso ng isang namatay na pasyente, ang kaukulang sertipiko ng kamatayan at iba pang mga dokumento na kinakailangan para sa paglibing at iba pang mga layunin ay dapat ibigay sa sinuman sa kanyang mga kamag-anak na humihingi nito.
Kung kaya’t sa iyong sitwasyon, hindi maaaring tanggihan ng ospital na ilabas ang labi ng iyong pumanaw na kapatid dahil sa kawalan ninyo ng kakayahan na magbayad ng mga gastusin sa ospital kung kayo ay makapagbibigay ng promissory note na may kaukulang pagsasangla o garantiya ng isang co-maker para sa hindi nabayarang obligasyon. Ngunit iyong tandaan na ang mga pasyente na nanatili sa mga pribadong silid ay hindi saklaw ng batas na ito.
Alinsunod dito, ang sinumang opisyal o empleyado ng ospital o klinika na responsable para sa pagpapalabas ng pasyente, na lumalabag sa mga probisyon ng batas na ito, ay maaaring maparusahan ng multang hindi bababa sa Php20,000.00, ngunit hindi hihigit sa Php50,000.00, o pagkakakulong ng hindi bababa sa isang buwan, ngunit hindi hihigit sa anim na buwan, o parehong multa at pagkakulong, sa pagpapasya ng hukuman.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments