Kahit saanman dalhin ng tadhana… Tuloy ang malasakit, tuloy ang serbisyo
- BULGAR
- Dec 1, 2021
- 3 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |December 01, 2021
Kahapon sa San Juan City, sa aking patuloy na paglilibot para maghatid ng tulong sa mga kababayan nating nangangailangan, ipinahayag ko ang planong pagwi-withdraw ng kandidatura sa pagka-Pangulo ng ating bansa.
Sa nagdaang mga araw, habang tumatagal at umiinit ang pulitika sa bansa, mas lalo akong napapaisip kung ano ang mas makabubuti sa taumbayan, pati na rin kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa aking pamilya.
Kandidato na ako sa pagka-Bise Presidente sa loob ng mahigit isang buwan. Subalit, dahil sa mga pangyayaring hindi inaasahan, kailangan kong magpaubaya.
Ang tadhana ay sadyang may paraang baguhin ang ating buhay. Katulad na lamang ni Gat Andres Bonifacio na ipinagdiwang din natin kahapon ang kanyang kaarawan.
Marami siyang pagkakataong maging Pangulo sana, pero may ibang plano ang tadhana sa kanya.
Handa akong magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng ating bayan at ni Pangulong Duterte. Simpleng probinsiyano lamang po ako na binigyan ng pagkakataong magsilbi sa taumbayan.
Hindi ko inambisyon na maging pangulo. Puro serbisyo lang ako. Dahil ang bisyo ko ay magserbisyo.
Mahalaga sa akin ang pamilya. Ayaw din talaga nilang tumakbo ako. Kaya naisip ko na siguro nga ay hindi ko pa panahon sa ngayon. Diyos lang ang nakakaalam kung kailan talaga ang tamang panahon ko.
Ayaw ko rin lalong maipit si Pangulong Duterte. Higit pa sa tatay ang pagmamahal ko sa kanya. Matanda na siya at marami na siyang naibigay sa bayan kung kaya’t ayaw ko nang dagdagan pa ang kanyang problema.
Talagang nagre-resist ang aking katawan, puso at isipan. Tao lang ako na nasasaktan at napapagod din. Kaya ipinasa-Diyos ko na ang lahat alang-alang na rin sa hangarin nating magkaisa ang sambayanang Pilipino.
Sa mga nagnanais maging Pangulo at iba pang gustong magsilbi sa bayan, sana ay unahin ninyo ang kapakanan at interes ng mga Pilipino. Handa naman kami ni Pangulong Duterte na suportahan ang sinumang tunay na magseserbisyo, makapagpapatuloy at poprotekta sa Duterte legacy tungo sa mas komportable, ligtas at maginhawang buhay para sa ating mga anak.
Kung saanman ako dadalhin ng aking tadhana, makakaasa kayong patuloy akong tutulong, magseserbisyo at magmamalasakit sa aking kapwa Pilipino dahil mahal ko ang mga kababayan ko. Mahal ko ang bansang ito.
Sa pag-atras ko sa halalang ito, mas tututukan ko ang totoong serbisyong aking ipinangako upang maproteksiyunan ang buhay ng bawat Pilipino, lalo na ‘yung mahihirap, walang matakbuhan at pinakanangangailangan ng ating tulong.
Sama-sama pa rin tayong magbayanihan upang malampasan ang pandemya at iba pang suliranin sa ating bansa. Kahit anuman ang mangyari sa mundo ng pulitika, ang importante ay walang Pilipinong maiiwan sa ating laban tungo sa mas maayos na buhay para sa lahat.
Huwag muna tayong magpakumpiyansa dahil delikado ang panahon. Sayang ‘yung naumpisahan natin — ang magandang takbo ng ating COVID-19 response at vaccine rollout — kung muli tayong magiging kampante.
Maging disiplinado tayo, lalo na’t may bagong banta ang COVID-19 na tinatawag na Omicron variant. Ang malaking bahagi ng bayanihan ay ang ating sariling pag-iingat at pakikiisa.
Ito ang prayoridad natin ngayon dahil kung hindi natin makokontrol at maaagapan ang COVID-19, marahil baka wala tayong pag-uusapang pulitika sa susunod na taon. Kaya unahin muna ang laban kontra pandemya at ang pagbabakuna bago ang pulitika.
Magkaisa at magtulungan tayo para sa mas ligtas at mapayapang Pasko at Bagong Taon.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments