Kahit pinaluwag ang quarantine protocols, ingat pa more sa COVID-19!
- BULGAR

- Nov 24, 2020
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 24, 2020
Muling maghihigpit ang Baguio City sa pagpasok ng mga taga-labas dahil sa kakulangan ng kakayanan ng Benguet Province na magsagawa ng testing para sa COVID-19. Unang binuksan ang Baguio City sa mga turista mula sa Benguet Province lamang. Hindi pa ito binuksan sa mga taga-ibang lugar tulad ng Metro Manila. Pero dahil sa mga ulat na dumarami ang mga positibong kaso, minabuti ng probinsiya na muling maghigpit. Tutulong ang lokal na pamahalaan sa Benguet sa pag-testing.
Gayundin sa Davao at Cebu City, kung saan dumarami ang mga positibong kaso. Ang ayaw nilang mangyari ay muling maipasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) kaya ngayon pa lang ay kumikilos na sila para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Malinaw na hindi pa normal ang sitwasyon. Pero kung kumilos ang marami, parang wala nang COVID-19 virus sa kapaligiran natin. Sa mga mall, makikita ang mga tao na walang ginagawa kundi umupo sa mga silya, partikular sa mga food court — may mga senior citizen pa nga! Alam ko na hindi na sila pinagbabawalang lumabas pero may banta pa rin talaga ang COVID-19.
Kailangan lang natin tumingin sa Europe. Maraming bansa ang nais maghigpit muli pero umaalma ang kanilang mamamayan. Pagod na sa quarantine at lockdown. Nais patakbuhin muli ang ekonomiya pero paano ‘yan magagawa? Malaking bahagi ng ekonomiya ng Europe ay turismo. Sino ang mamamasyal sa panahong ito? Baka sila-sila na muna. Baka ito rin ang dahilan kung bakit dumarami ang kaso.
Sa worldometers.info/coronavirus/ kung saan makikita ang lahat ng impormasyon, pang-26 ang Pilipinas sa dami ng kaso sa mundo. Medyo bumaba mula sa numero 20 noong huling tiningnan natin. Pero bago tayo magsaya, ang Indonesia lang ang mas maraming kaso sa atin. Ang ibang timog-silangang bansa ay malayo na.





Comments