top of page

Kahit nagbitiw na, Romualdez, talupan pa rin sa flood control project scam

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 23 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 18, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez



TATALUPAN PA RIN NG ICI SI ROMUALDEZ SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM KAHIT NAG-RESIGN NA BILANG HOUSE SPEAKER -- Matapos sabihin ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na walang sasantuhin ang binuo niyang Independent Commission for Infrastructure (ICI), na kahit ang pinsan niyang House Speaker na si Leyte Rep. Martin Romualdez ay tatamaan ng imbestigasyon, naobliga ito na mag-resign bilang lider ng Kamara.


Kasunod n’yan ay sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro na kahit nagbitiw na si Cong. Romualdez bilang House Speaker ay tuloy pa rin daw ang gagawing imbestigasyon sa kanya (Cong. Martin) ng ICI patungkol sa flood control projects scam.


Kumbaga, parang sinabi na rin ni PCO Usec. Castro na walang kawala sa imbestigasyon, na tatalupan talaga ng ICI si Cong. Romualdez para malaman kung saan nagmula ang sangkatutak na kuwarta umanong nadagdag sa kayamanan ng dating House Speaker, boom!


XXX


DAHIL HINDI SIYA (CONG. KIKO BARZAGA) NAGING HOUSE SPEAKER, ASAHAN NA NI HS BOJIE DY NA TITIRYAHIN SIYA NI CONG. KIKO SA SOCIAL MEDIA -- Noong hindi pa nagri-resign si Cong. Romualdez bilang House Speaker, sunud-sunod ang atake sa social media ang ginagawa laban sa kanya ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga, hanggang dumating sa punto na nag-iikot sa mga tanggapan ng mga kapwa niya kongresista si Cong. Kiko para kunin ang kanilang suporta dahil gusto raw niyang maging House Speaker, at kahit nga si presidential son, House Majority Leader Sandro Marcos ay pinuntahan niya para kunin ang suporta para patalsikin ang noo’y Speaker Martin Romualdez upang siya (Cong. Kiko) na ang maging lider ng Kamara.


Ito na ang siste, nang mag-resign si Cong. Martin, ang pumalit sa kanya na bagong House Speaker ay si House Deputy Speaker, Isabela Rep. Faustino "Bojie" Dy.

Dahil tuluyan nang naglaho ang pangarap ni Cong. Kiko na maging HS, asahan na ni newly elected House Speaker Bojie Dy na siya naman ang titiryahin nito sa social media, abangan!


XXX


FORMER SPEAKERS ALVAREZ, ARROYO, CAYETANO AT VELASCO, MALAMANG TATAMAAN DIN SA FLOOD CONTROL PROBE NG ICI -- Ang kabuuang halaga na ‘na-scam’ ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya mula year 2016 hanggang 2022 sa kaban ng bayan patungkol sa mga nakuha nilang flood control project sa DPWH ay higit P75 billion. 


At dahil ang utos ni PBBM sa ICI ay mula year 2015 hanggang 2025 ang imbestigahan, asahan na ng apat na naging House Speaker sa panahon ng Duterte administration, na sina formers HS Pantaleon Alvarez (July 25, 2016-July 23, 2018), Gloria Macapagal-Arroyo (July 23, 2018-June 30, 2019), Alan Cayetano (July 22, 2019-October 13, 2020) at Lord Allan Velasco (October 13, 2020-June 30, 2022) na tatamaan din sila sa imbestigasyon sa flood control projects, boom!


XXX


SA LAKI NG BUDGET NA P51B, TIYAK HAHANAPIN NG ICI SA DISTRITO NI CONG. PULONG SA DAVAO CITY KUNG NASAAN DITO ANG MGA FLOOD CONTROL PROJECT -- Matapos kuwestiyunin ni Sen. Ping Lacson sa plenaryo ng Senado noong August 27, 2015 ang P51B flood control project sa isang distrito, na bagama’t wala siyang pinangalanang lugar, ay tumutukoy ito sa ikinakalat sa social media ng mga Marcos loyalist vloggers na sa 1st District ito ng Davao City, na ang congressman dito ay si Rep. Paolo Duterte.


At sa pagdinig ng House Infra Committee noong September 10, 2025, ay ginisa nang todo nina Ako Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon at Manila 3rd District Rep. Joel Chua si DPWH Usec. Maria Catalina Cabral tungkol sa P51B na iniuugnay kay Cong. Pulong, at sa huli ay umamin, kinumpirma na ito ng DPWH official na nagbagsak nga sila ng ganyang halaga (P51B) sa 1st District ng Davao City, at nangyari raw ito sa panahon ng Duterte admin, year 2020 ang unang release ng P13.745B flood control project, sumunod na release noong year 2021 na P25B flood control project at ikatlong release noong year 2022 na P10B flood control project pa rin.


Dahil d’yan ay asahan na ni Cong. Pulong na iimbestigahan ng ICI kung bakit ubod nang laki ang ibinabang halaga ng flood control project sa Davao City, pero binabaha pa rin ang lungsod.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page