Kahit maysakit na… KRIS, MABENTA PA RING ENDORSER

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | October 25, 2026

Photo: IG _krisaquino
Marami ang natutuwa sa pagbabalik ni Kris Aquino sa telebisyon. Uupo siya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) bilang special guest, at ang one-on-one interview niya ay mapapanood sa October 28 at 29 sa GMA-7.
Hindi lang malalaking produkto ang interesadong kuning endorser si Kris Aquino, may alok din sa kanila ni Bimby.
Gustung-gusto ni Kris na balikan ang pagho-host ng TV show, ang trabahong sobra niyang na-miss. Pero dahil sa kanyang autoimmune disease, hindi ito kakayanin ng kanyang katawan.
Ganunpaman, sa tulong ng kanyang team at ni Bimby, nagagawan ng paraan upang magkaroon pa rin siya ng exposure.
Marami pa rin ang nag-aabang ng balita tungkol sa mga kaganapan sa buhay ni Kris. Siya pa rin ang paboritong subject sa showbiz at malakas pa rin ang kanyang impact sa publiko.
Dahil BFF niya ang King of Talk na si Boy Abunda, tinanggap niya ang alok na mag-guest sa FTWBA upang siya na mismo ang mag-update sa publiko tungkol sa kanyang buhay. Tiyak na aabangan ito ng lahat.
MATAGUMPAY na nairaos ang BULAKLAK: VIVA Hot Babes Reunion Concert na ginanap noong October 23 sa New Frontier Theater. Special guests dito sina Sexbomb Jopay Paguia at Janno Gibbs.
Klik na klik sa audience ang paghataw ni Jopay sa Spaghetti song. Agaw-pansin naman ang performance ni Sheree Bautista na napakahusay sa pole dancing.
Malaking atraksiyon din sa mga kalalakihan ang paggiling ni Maui Taylor sa stage. Marami naman ang humanga sa napaka-sexy na pagsasayaw ni Andrea del Rosario. Okay din ang performance ni Katya Santos.
Pinatunayan ng VIVA Hot Babes na may karisma pa rin sila sa publiko. Hindi man kasinglakas ng Sexbomb Girls ang dating ng kanilang reunion, natatandaan pa rin sila ng kanilang mga fans.
HANDA na ang pamunuan ng Philippine Movie Press Club (PMPC) sa pagdaraos ngayon ng 42nd Star Awards for Movies sa Winford Hotel and Casino.
Ang mga hosts ay sina Beauty Gonzalez, Jameson Blake, Tony Labrusca at Emma Tiglao. Ang mga performers naman ay sina Ogie Alcasid, Morissette Amon at Kakie Pangilinan.
Sina Sharon Cuneta at Rez Cortez ang tatanggap ng Nora Aunor Lifetime Achievement Award, samantalang pararangalan sina Vice Ganda at Nadine Lustre bilang Takilya King at Takilya Queen. Nominado rin sila bilang Best Actor at Best Actress.
Ang dating movie producer na si Alex Muhlach naman ang tatanggap ng award bilang Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera.
HINDI makakalimutan ni Assunta De Rossi ang masayang karanasan niya sa gag show na Bubble Gang (BG). Batambata pa siya noon nang makatrabaho sina Michael V., Paolo Contis at iba pang cast member ng BG.
Pumasok siya noong 1995 at nanatili roon hanggang 2002. Pitong taon siyang naging bahagi ng programa at dito na siya nagdalaga.
Maraming natutunan si Assunta sa kanyang mga kasamahan, na gumabay sa kanya upang mahasa sa comedy. Kaya naman, excited siya nang sabihan ng staff ng BG na magkakaroon ng reunion ang mga dating cast members para sa 31st anniversary ng programa.
Inimbita rin sa selebrasyon sina Ara Mina, Rufa Mae Quinto, Sunshine Cruz, Wendell Ramos, atbp..
Sa nakalipas na tatlong dekada, patuloy na nagbibigay-aliw ang Bubble Gang sa mga viewers, kasama ang mga skits na makaka-relate ang mga Gen Zs.





Comments