Kahit may ceasefire... Nuclear plant ng UAE, binomba ng Iraq
- BULGAR

- 7 hours ago
- 3 min read
ni Jenny Rose Albason @World News | May 21, 2026

Kinumpirma ng United Arab Emirates (UAE) na mula sa Iraq ang mga drone na umatake sa Barakah nuclear power plant nito noong nakaraang linggo, na lalong nagpapataas ng pangamba sa seguridad sa Gitnang Silangan sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon.
Nangyari ang insidente noong Linggo, Mayo 17, matapos tumama ang isang drone sa electrical generator malapit sa planta sa Abu Dhabi.
Dahil dito, sumiklab ang sunog ngunit wala namang naiulat na nasugatan o anumang radiation contamination. Ayon sa mga otoridad, dalawa pang drone ang kanilang na-
intercept bago pa makapinsala.
Ang Barakah Plant ang nag-iisang nuclear facility ng UAE at nagsusuplay ng halos isang-kapat ng kabuuang kuryente ng bansa.
Bagama’t umiiral na ang ceasefire na ipinatupad noong Abril 8, patuloy pa rin ang mga ulat ng mga pag-atake mula sa teritoryo ng Iraq patungo sa mga bansang Gulf.
Noong Marso, isinama rin ang Barakah sa listahan ng mga posibleng target na inilathala ng ilang pahayagan sa Iran.
Tino-torture, inaabuso at pinapatay ang mga preso... EX- LIBYA PRISON CHIEF, HUMARAP SA ICC
HUMARAP sa International Criminal Court (ICC) ang dating hepe ng kulungan sa Libya na si Khaled Mohamed Ali El Hishri kaugnay ng mga alegasyon ng war crimes at crimes against humanity na umano’y naganap sa Mitiga prison mula 2015 hanggang 2020.
Ayon sa mga prosecutor, si El Hishri umano ang nasa likod ng torture, sexual abuse, at pagpatay sa mga detainee sa naturang pasilidad. Kabilang umano sa mga naging biktima ang mga kababaihan at isang 15-anyos na lalaki.
Sinabi rin ng prosekusyon na maraming bilanggo ang nasawi dahil sa umano’y pagmamaltrato, sekswal na pang-aabuso, at pagpaslang sa mga detainee.
Ang kasalukuyang pagdinig sa ICC ay hindi pa itinuturing na pormal na paglilitis. Layunin nitong matukoy kung sapat ang ebidensya upang ituloy ang full trial laban sa akusado. Maaari ring aprubahan ng mga hukom ang pagsasampa ng kaso, ibasura ito, o baguhin ang mga isinampang paratang.
Mariin namang itinanggi ni El Hishri ang lahat ng akusasyon at humiling ng kanyang paglaya.
Bahagi ang kaso ng mas malawak na imbestigasyon ng International Criminal Court sa mga krimen sa Libya matapos ang 2011 uprising na nagpatalsik kay Muammar Gaddafi.
Samantala, kabilang din sa mga pinaghahanap ng ICC ang isa pang opisyal ng Libya na si Osama Almasri Najim kaugnay ng kahalintulad na mga alegasyon ng pang-aabuso sa kulungan. Naging kontrobersyal ang kanyang kaso matapos umano siyang palayain ng mga otoridad sa Italya.
Dahil sa price fixing noong COVID-19 pandemic
7 CHINESE EXECUTIVES AT 4 SHIPPING COMPANIES, KINASUHAN
SINAMPAHAN ng kaso ng pamahalaan ng United States ang pitong Chinese executives at apat sa pinakamalalaking shipping container companies sa buong mundo dahil umano sa sabwatan upang limitahan ang suplay at pataasin ang presyo ng mga shipping container noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, ayon sa mga opisyal ng Department of Justice (DOJ) nitong Martes.
Ayon sa DOJ, ang mga kumpanyang sangkot ay gumagawa ng humigit-kumulang 95 porsyento ng mga standard dry shipping container sa buong mundo. Pinaniniwalaang nagkaroon umano ng sabwatan ang mga ito mula Nobyembre 2019 hanggang Enero 2024 upang kontrolin ang produksyon at manipulahin ang presyo ng mga container.
Dahil umano sa nasabing gawain, naapektuhan ang supply chain at napilitan ang mga mamimili sa Amerika na magbayad nang mas mataas para sa mga produkto habang mas tumagal din ang paghihintay sa pagdating ng mga ito noong panahon ng pandemya.
Isa sa mga akusado na si Vick Ma, 54-anyos at marketing director ng Singamas Container Holdings Ltd, ay inaresto sa France noong Abril. Wala pang inilalabas na pahayag ang kumpanya kaugnay sa mga alegasyon laban sa kanila.





Comments