19 patay sa bumagsak ng military plane

ni Justine Berganio @Oveseas News | November 19, 2026

Photo: Larawan ng Antonov aircraft sa Patriot Park, Moscow - File / Natalia Kolesnikova-AFP
Patay ang lahat ng 19 sakay ng isang Russian military transport plane matapos itong bumagsak sa Kemerovo region sa Siberia, Russia nitong Martes.
Ayon sa Russian Defence Ministry, nagsasagawa ng regular na biyahe ang An-12 aircraft nang bumagsak ito sa isang liblib at walang nakatirang lugar. Pinaniniwalaang technical malfunction ang sanhi ng aksidente.
Mabilis namang naapula ng emergency responders ang sunog sa crash site malapit sa Yagunovo Village. Agad ding isinara ng mga pulis ang lugar habang nakaantabay ang mga helicopter, ambulansiya at medical facilities.
Iniimbestigahan na ng Russian aviation authorities ang insidente. Hindi pa rin malinaw kung may kargang armas o iba pang kagamitan ang eroplano nang mangyari ang pagbagsak.
Karaniwang ginagamit ng Russian military ang An-12 sa pagdadala ng mga armas at tauhan, gayundin sa search and rescue operations.





Comments