Kahalagahan ng ‘Ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act’
- BULGAR

- Sep 28
- 4 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 28, 2025

Ayon sa Republic Act (R.A.) No. 11148 na kilala sa titulong “Ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act,” ang karapatan sa kalusugan ay isang pangunahing prinsipyo na ginagarantiya ng Estado.
Binigyang-diin ng Seksyon 15, Artikulo II ng ating 1987 Saligang Batas na ang, “Ang Estado ay dapat pangalagaan at itaguyod ang karapatan sa kalusugan ng mga tao at itanim ang kamalayan sa kalusugan sa kanila.” Alinsunod din sa iba’t ibang internasyonal na mga instrumento sa karapatang pantao at mga kasunduan na sinusunod ng Estado, ginagarantiyahan ng Estado ang karapatan sa sapat na pagkain, pangangalaga, at nutrisyon ng mga buntis at nagpapasusong mga ina, kabilang ang mga kabataang babae, kababaihan sa reproductive age, at lalo na ang mga bata mula sa zero hanggang dalawang taong gulang.
Isa sa mga layunin ng nasabing batas ay masiguro ang makabuluhan, aktibo at tuluy-tuloy na pakikilahok at pagtutulungan ng mga ahensyang miyembro ng National Nutrition Council (NNC), iba pang mga national government agencies (NGAs), local government units (LGUs), civil society organizations (CSOs), at pribadong sektor. Ito ay sa pamamagitan ng pinagsama-sama at holistic na mga programa para sa pagtataguyod ng kalusugan at nutritional well-being ng populasyon, at pagbibigay prayoridad sa mga interbensyon sa mga lugar na may mataas na insidente ng kahirapan at may mga hazard at conflict zone.
Sa panahon ngayon na madalas na tayong nakararanas ng mga kalamidad, mahalagang malaman ng lahat na mayroon tayong batas na mangangalaga sa kapakanan at kalusugan ng mag-ina. Ang kalusugan ng mag-nanay o mag-ina ay mahalagang mabigyan ng sapat na atensyon lalo na sa mga nutritionally-at-risk, buntis at nagpapasusong mga kababaihan, partikular na ang mga teenager na ina, kababaihang nasa reproductive age, kabataang babae, at lahat ng mga batang Pilipino na bagong silang hanggang sa edad na 24 na buwan. Ang prayoridad ay dapat ibigay sa mga naninirahan sa disaster-prone na mga lugar at geographically isolated and disadvantaged areas (gida), tulad ng mga lugar na nakahiwalay dahil sa distansya, kawalan ng access sa transportasyon, at mga kondisyon ng panahon; mga komunidad na hindi naseserbisyuhan at kulang sa serbisyo, at iba pang mga lugar na natukoy na may mataas na saklaw ng kahirapan; may mga taong kabilang sa mahinang sektor; at mga komunidad sa o bumabawi mula sa sitwasyon ng krisis o armadong salungatan na kinikilala sa ganoong sitwasyon ng gobyerno.
Nakapaloob sa Sekson 11 ng batas na ito ang probisyon para sa “Nutrisyon na Kasunod ng mga Natural na Sakuna at Kalamidad.” Ayon dito, ang mga lugar na apektado ng mga sakuna at mga sitwasyong pang-emerhensiya, parehong natural at gawa ng tao, ay dapat unahin sa paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan at nutrisyon, at mga interbensyon sa mga serbisyong psychosocial.
Ang mga NGAs at LGUs ay inaatasan na agad na magbigay ng mga serbisyong pang-emerhensiya, mga suplay ng pagkain para sa wastong pagpapakain sa mga buntis at nagpapasusong ina, at mga bata, partikular ang mga mula sa zero hanggang dalawang taong gulang. Ang mga lugar na pambabae, sanggol, at bata ay dapat ihanda at handang tumanggap ng mga kababaihan at kanilang mga anak; magbigay ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain, damit, malinis na tubig, at tirahan. Dagdag pa rito, dapat din na mayroong madaling magagamit na suporta at payo sa pagpapasuso para sa mga may mga anak hanggang dalawang taon o higit pa, gayundin ang pagbibigay at gabay sa naaangkop na pantulong na pagkain para sa mga batang mahigit anim na buwang gulang.
Ang mga donasyon ng milk formula, breastmilk substitutes, at mga produkto na sakop ng Milk Code nang walang pag-apruba ng Inter-Agency Committee (IAC) na nilikha sa ilalim ng Executive Order No. 51, Series of 1986, ay dapat ipagbawal upang maprotektahan ang kalusugan at nutrisyon ng mga buntis at nagpapasusong kababaihan, mga sanggol, at maliliit na bata bago, habang, at pagkatapos ng sakuna.
Sa mga sitwasyong pang-emergency, ang mga donasyon o tulong mula sa pribadong sektor, na walang mga salungatan ng interes o iyong hindi kasangkot sa paggawa at pagbenta ng mga produkto na saklaw ng Milk Code, ay dapat agad na payagan pagkatapos ng mga sakuna at kalamidad. Ang mahigpit na pagsunod sa Milk Code at ang binagong Implementing Rules and Regulations (IRR) nito ay dapat sundin, at ang mga opsyon para sa mga ina na may mga problema sa pagpapasuso ay dapat ibigay, tulad ng, ngunit hindi limitado sa, ang pagpapakilos ng mga grupong sumusuporta sa pagpapasuso o estratehikong pagtatatag ng mga lokal na bangko ng gatas.
Ang Department of Health (DOH) at iba pang kaugnay na departamento, sa pakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ay dapat bumalangkas ng mga patnubay at mekanismo upang maisakatuparan at pag-ibayuhin ang probisyon ng batas na ito, na isinasaalang-alang ang mga makatao, inclusive, gender at culture-sensitive na pamantayan para sa proteksyon ng mga bata, buntis, at nagpapasusong ina, alinsunod sa Republic Act No. 10821 (Children’s Emergency Relief and Protection Act), mga tuntunin at regulasyon, at ang Comprehensive Emergency Program for Children.
Malinaw na isinasaad sa batas na prayoridad ng Estado na bigyan ng agarang tulong ang mag-nanay sa panahon ng kalamidad. Ayon sa Seksyon 18 ng batas na ito, ang halagang kailangan para sa patuloy na pagpapatupad nito, na naging epektibo noong 2018, ay isasama sa taunang General Appropriations Act (GAA). Ang Department of Budget and Management (DBM), sa pakikipag-ugnayan sa iba pang nauugnay na ahensya, ay dapat isaalang-alang ang paglaganap ng malnutrisyon at pagkamatay ng bata sa pagtukoy ng taunang paglalaan o budget para sa pagpapatupad ng batas na ito.







Comments